Martin1

NPA Masbate attack, kinondena ni Speaker Romualdez

220 Views

MARIING kinondena ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang ginawang sunud-sunod na pag-atake ng mga komunistang rebelde sa Masbate na malapit pa sa mga paaralan.

Ayon kay Romualdez, nagtataka siya kung bakit tila wala nang pinipiling lugar na aatakihin ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) dahil kahit malapit sa mga paaralan at may madadamay na mga kabataan ay umaatake pa rin ang mga ito.

“Di ko talaga makita ang logic sa pag-atake nila (NPA) sa mga lugar ng mga sibilyan at pagtatanim nila ng mga bomba doon,” anang lider ng Kamara de Representantes.

“Paano kung mga bata galing sa eskwela ang makatapak ng bomba? E tapos ang kinabukasan ng mga batang yun,” dagdag ng House Speaker.

Kaugnay nito, pinaalalahanan pa niya ang NPA na mahigpit nang ipinagbabawal ng United Nations ang paggamit ng land mines ng anumang bansa o armadong grupo na nakikibaka sa isang gobyerno.

Matatandaang isang sundalo ang namatay habang limang iba pang indibidwal, kabilang ang isang paslit, ang nasugatan sa naturang sagupaan sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at tropa ng pamahalaan sa Masbate.

Sinuspinde na rin muna ang face to face classes sa lalawigan at balik-blended learning ang mga bata doon para matiyak ang kanilang kaligtasan.