NPC

NPC kay Cayetano: Pangalanan mo

116 Views

NAGPAHAYAG ng pagkaalarma ang National Press Club (NPC) of the Philippines sa pahayag kamakailan ni Senador Alan Peter Cayetano na may 10 istasyon ng radyo na nagsasagawa ng “scripted interviews”.

Hiniling ng pangulo ng NPC na si Leonel Abasola sa mambabatas na linawin ang nasabing pahayag nito na nakaaapekto sa kredibilidad ng mainstream media.

“I urge the veteran Senator to identify and prove his allegation. Shotgun statements might destroy reputation of respectable media practitioners who are not even privy of their argument,” pahayag ni Abasola na matagal nang nagko-cover sa Senate beat.

Nag-ugat ang isyu sa mainit na argumento nina Cayetano at Senator Nancy Binay noong Hulyo 3 sa pagdinig ng Senate committee on accounts, na pinamumunuan ni Cayetano, sa mga isyung kumukulapol sa bagong gusali ng Senado.

Si Binay ay dating chairperson ng nasabing komite ngunit nagbitiw pagkatapos ng pagbabago ng liderato ng Senado.

Sa pagdinig, iginiit ni Cayetano na posibleng nagpadala ang kampo ni Binay ng “advance questions” dahil ang ilan sa mga istasyon ng radyo ay may pare-parehong katanungan. Nagresulta ito sa pag-walk out ni Binay sa pagdinig at itinanggi makaraan ang mga alegasyon ni Cayetano.

Sinabi rin ni Abasola na ito ang unang pagkakataon na narinig niya ang isang kagalang-galang na mambabatas na tinawag ang isang babaeng kasama sa Senado na “buang” (baliw) at “Marites” (tagapagpakalat ng tsismis) sa isang pampublikong pagdinig.

“He could’ve called for a temporary suspension of the hearing to diffuse the tension,” sabi ni Abasola, na hosts din ng weekly radio program sa state-ran Radyo Pilipinas.

“Patungkol naman po sa media, dapat po i-identify niya kasi marami rin sa mga Senate media ay may kanya-kanyang programa sa radyo,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Abasola na natural lamang na may mga pagkakataong ang mga mamamahayag ay magtatanong ng parehong mga katanungan sa “mainit na isyu” na kinasasangkutan ng pampublikong pondo.

Bagama’t nag-isyu na si Cayetano ng paumanhin sa mga mamamahayag na nagko-cover sa Senate beat, iginiit ni Abasola na dapat patunayan ng mambabatas ang kanyang mga akusasyon at pangalanan ang mga “radio anchors” na diumano’y binayaran sa field scripted questions on air.