NSB

NSB na maganda, maipagmamalaki at di pinag-aaralan

141 Views

NAGLALANTAD umano ng nakababahalang pagtaas ng gastos ang independienteng pagsusuri ni Senador Alan Peter Cayetano sa itinatayong New Senate Building.
Ibinunyag ni Cayetano, naging chair ng Accounts Committee matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado noong Hunyo, na ang kabuuang gastos sa gusali ay umakyat mula P21.7 billion at ngayo’y tinatayang nasa P31.6 billion na.

Sa patnubay ni Senate President Francis “Chiz” Escudero’, sinabi niyang magsusumite sila ng sarili nilang timeline para lumipat sa bagong gusali.

“The instruction is to speed up. We’ll be meeting with the DPWH kung bakit [ang estimate timeline ng Phase 3 ay] 36 to 48 months because we want [to move in the new building] sana na middle or end of 2026. And then of course, we want to spend much, much less,” paliwanag ng senador sa Facebook.

Idinagdag niya na ang pangunahing layunin ay upang pababain ang presyo nang hindi nakompromiso ang kalidad at kaligtasan.

“We (Escudero and I) are studying everything together now. We’re looking now at functionality and quality na nandoon pa rin,” wika ng senador.

“We have to not allow it to become a white elephant. We want to make sure na matapos ito nang maganda and it is something that we can be proud of,” dagdag niya.

“Medyo nalungkot ako sa report na aabot nga ng three to four years or 36 to 48 months daw (ang completion ng phase 3 ng NSB) sabi ng DPWH. Nung kinuwenta din namin lahat kung kasama ang lupa (at furnitures), with apples-to-apples comparison – meaning ituloy lang project as planned – ay aabot ito ng P33 billion,” wika ng senador sa isang Facebook Live nitong October 11, 2024.

Ipinaliwanag ni Cayetano na sa pagsusuri ng NSB, nakapaglatag ang Senado ng timeline at kabuuang gastos para sa proyekto matapos makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Revised Detailed Architectural and Engineering Designs (R-DAEDS) noong Setyembre.

“Again this is not about finger-pointing or, sa ngayon, holding people accountable. Wala nga kaming sinasabing irregularity o anomalya. We’re just focused on finding out the facts – what happened and how can we fix it,” wika ng senador.

Sa isang panayam noong Hulyo nang simulan niya ang pagsusuri, sinabi ni Cayetano na ang nais niyang malaman ay ang aktwal na gastos at ang takdang panahon ng proyekto. “Kasi kung hindi, we will not get to the conclusion kung magkano ba talaga at kailan matatapos,” aniya.

Ang timeline ng New Senate Building ay nagpapakita ng pattern ng patuloy na pagtaas ng gastos, kung saan natutuklasan lamang ang mga presyo bawat phase ng proyekto.

Noong March 2019, iginawad ang halagang P8.9 billion para sa Phase 1 na sakop lang ang core at shell ng gusali.

Pagsapit ng January 2023, nadagdagan ito ng P2.5 billion para sa Phase 2, na kasama ang fit-out package, mga kasangkapan, at tiles. Dahil dito, umabot sa P11.4 billion ang kabuuang gastos ng gusali.

Noong Marso 2023, iniulat ng DPWH ang karagdagang P7.3 billion para sa Phase 3, na sakop ang “works to complete.” Dapat din maglaan ang Senado ng karagdagang P2.97 billion para sa specialty systems, na nagtulak sa kabuuang gastos ng proyekto sa P21.7 billion.

Ngunit sa gitna ng pagsusuri, isang bagong isyu ang lumitaw: hindi isinaalang-alang ng mga pagtatantya sa gastos ang inflation at iba pang mga kadahilanan. Pagsapit ng July 2024, itinantiya na ang kabuuang gastos ay maaaring maglaro na sa pagitan ng P25 hanggang P27 billion.

Nitong September 17, 2024 lamang naisumite ng DPWH ang kabuuang halaga ng proyekto pagkatapos makumpleto ang R-DAEDS. Kasama nito ang rebisyon ng DPWH ng Phase 3 hanggang P10 billion, mula sa dating tantiya na P7 billion.

Ito ang nagbunsod sa opisina ni Senador Cayetano na magbigay ng independiyenteng pagtatantya ng P31.6 billion para sa kabuuang halaga ng pagtatayo ng proyekto.

Higit pa rito, nagpahayag ang DPWH ng bagong timeline ng pagkumpleto para sa phase 3 ng Bagong Gusali ng Senado, na umaabot mula 36 hanggang 48 buwan mula sa oras ng paggawad nito. Ikinabahala ito ni Cayetano at sinabing hindi ito katanggap-tanggap.