NTA Source: NTA FB file post

NTA pinapaigting kampanya laban sa illegal na tobacco trade

Cory Martinez Oct 22, 2024
75 Views

MAY dalawang araw na forum ang National Tobacco Administration (NTA) na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang speaker para mapaigting ang kampanya laban sa illicit tobacco trade sa Pilipinas.

Ayon kay NTA Administrator at Chief Executive Officer Belinda Sanchez, nakatuon ang forum sa diskusyon hinggil sa kahalagahan ng industriya ng tabako, mga oportunidad, hamon at mga kasalukuyang pagsisikap ng pamahalaan laban sa illicit tobacco trade.

May temang “Advancing the Local Tobacco Industry and Combating Illicit Trade,” nakatakda sa Miyerkoles at Huwebes sa Seda Vertis North, Diliman, Quezon City ang 2-day forum.

Inaasahang dadalo ang mahigit sa 200 na kinatawan mula sa tobacco farmers sector, local at foreign tobacco companies, media personalities at stakeholders.

“Addressing the illicit tobacco trade requires a whole of national approach and multi-faceted strategies that include strengthening national policies, enhancing regional cooperation, improving enforcement mechanisms and increasing public awareness,” ani Sanchez.

Binigyang-diin pa ni Sanchez na nararapat ang agarang pagpapalakas ng mga polisiya sa nasyonal at regional at ang mga enforcement mechanism laban sa illicit tobacco trade upang mapangalagaan ang seguridad at economic stability ng bansa.

Sa mga nakalipas na taon, naharap sa matinding hamon ang industriya ng tabako sa Pilipinas dahil sa patuloy na isyu sa illicit tobacco trade.

Nakaapekto ng husto ang ilegal na gawaing ito sa kita ng pamahalaan, pampublikong kalusugan, national security at sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka ng tabako.

Dahil pa rin sa patuloy na mga ilegal na aktibidad sa loob ng tobacco industry, naging banta ito sa mga institusyon sa bansa na siyang dahilan ng hindi patas na playing field.

Naging malaking bentahe ang imbalance na ito sa mga ilegal na operator na siyang dahilan ng pagkalugi ng mga lehitimong negosyante ng tabako.

Ang pagkawala ng kita mula sa illegal tobacco sales ang siyang naging dahilan upang mapalakas ang mga gawain ng mga organized crime at matinding banta sa national security.

Naging mitsa din ang diversion ng pondo sa pagbuo ng mga organized crime kabilang na ang money laundering at trafficking sa tao, armas at ilegal na droga.

Batay sa tantya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), nawawalan ng kita ang pamahalaan ng P100 bilyon kada taon dahil sa illicit tobacco trade.

Sa datos naman ng NTA, mayroong 2.2 milyong Pilipino ang nakadepende ang kita sa tabako, kabilang na dito ang may 430,000 magsasaka, manggagawa sa bukid at ang kanilang mga pamilya.