BBM2

Nuclear energy pag-aaralan ng Marcos admin

168 Views

PINAG-AARALAN ng gobyerno ang paggamit ng nuclear energy upang matugunan ang kinakailangang suplay at bilang paghahanda sa inaasahang dagdag na kakailanganin ng bansa sa paglago ng ekonomiya.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bago pa man siya naupo sa Malacañang ay tinitignan na nito ang nuclear energy upang mabilis na maitaas ang suplay at mapababa ang presyo nito.

“Even before I took office, pinag-uusapan na namin tingnan ‘yan. It turns out there are many nuclear technologies, iba-iba. Ang dami naming natutunan in our last visit to Washington and then — even ‘yung nasa EU (European Union) kami, marami palang iba-iba,” ani Pangulong Marcos.

Sa kanyang huling pagbisita sa Estados Unidos, sinabi ng Pangulo na tinitignan nito ang posibilidad ng paggamit ng micro nuclear fuel technology upang maiwasan ng bansa ang posibleng power crisis sa hinaharap.

Naka-usap ng Pangulo ang mga opisyal ng Ultra Safe Nuclear Corp. (USNC), isang US-based firm na nangunguna sa paggamit ng nuclear energy.

Nagpahayag ng interes ang USNC sa pagdadala ng malinis, ligtas, at maaasahang nuclear energy sa bansa.

“So, pinag-aaralan natin mabuti. When it comes to power, we’re open to everything. Kahit na ano na pwede nating makuha para pag-addition sa power supply natin. Syempre nandyan pa rin, lagi nating iniisip ‘yung kailangan parami na ‘yung renewables, pabawas na ‘yung fossil fuels,” sabi ng Pangulo.

“So, what else can we do? Find new sources. That’s what we’re trying to do. The situation with renewables is also improving but we may have found some other technologies na hindi mag-antay ng lead time ng six, seven years,” dagdag pa nito.

Tinitignan umano ng USNC ang Pilipinas bilang unang bansa sa Southeast Asia na tutulungan nitong matugunan ang kakulangan ng suplay ng kuryente.