Calendar
Obrero kalaboso sa pagtutok ng baril, pagbanta sa lola dahil sa P3K utang
KALABOSO ang 27-anyos na construction worker nang tutukan ng baril at binantaang papatayin ang 60-anyos na lola na hindi nakabayad ng pagkakautang Biyernes ng hapon sa Valenzuela City.
Naglalakad na pauwi ang biktimang si alyas “Ester” nang komprontahin siya ng suspek na si alyas “Alex” sa tabi ng bakanteng lote sa Balimbing St. Brgy. Balangkas dakong ala-1:10 ng hapon at pilit pinagbabayad ng ilang linggo ng utang na P3,000.
Nakiusap si alyas Ester subalit hindi siya pinagbigyan ng suspek na humantong sa kanilang pagtatalo hanggang bumunot ng baril si alyas Alex at binantaang papatayin ang biktima na sa takot ay nagtatakbong palayo.
Nagkataong nagpapatrulya sa lugar sina P/SMS Israel Gutierrez at Pat. Joshua Capiral ng Valenzuela Police Sub-Station 5 na nahingan ng tulong ng biktima kaya’t kaagad nilang nadakip ang suspek.
Nakumpiskang mga pulis kay alyas Alex ang paltik na baril na kargado ng isang bala ng kalibre .9mm na nakasukbit sa kanyang baywang na ginamit sa pananakot sa biktima.
Nakatakdang sampahan ng kasong grave threat at paglabag sa R.A. 10592 o ang Comprehensive Firearms ang Ammunition Regulation Act ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

