Calendar
Obrero nanggulo habang lasing, kapitbahay sinaksak
TIMBOG sa follow-up operation ng pulisya ang 53-anyos na obrero matapos niyang pagsasaksakin ang kapitbahay Linggo ng gabi sa Valenzuela City.
Nagtamo ng mga tama ng saksak sa kanang tagiliran si alyas “Raffy”, 33, na nakaratay pa sa Valenzuela Medical Center kung saan siya isinugod ng ambulansiya ng barangay.
Nabawi sa nadakip na suspek na si alyas “George” ang ginamit na patalim matapos siyang madakip nina P/SSg Rommel De Robles at P/Cpl. Roniel Acas ng Valenzuela Police Sub-Station-6.
Sa ipinarating na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-8:00 ng gabi nang magsimulang manggulo at magwala si alyas Raffy na noon ay nasa impluwensiya ng alak sa harapan ng kanilang bahay sa kanto ng Rita at J. Santiago Streets.
Nang awatin siya ni alyas George, nagalit ang biktima na humantong sa kanilang pagsusuntukan hanggang awatin sila ng mga tanod at dinala sa barangay hall upang doon mag-usap.
Matapos magkausap sa barangay, sumakay na sa kanyang bisikleta para umuwi ang biktima nang habulin siya ng suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa tagiliran.
Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office.

