Calendar

Oducado isusulong murang pabahay para sa mga mahihirap
SISIKAPING isulong ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa 20th Congress na magkaroon ng abot-kaya o murang pabahay para sa mga mahihirap na mamamayan sa tulong ng Manila Board of Realtors (MBR).
Nauna rito, nagkaroon ng courtesy call ang mga opisyal at miyembro ng MBR kay Oducado upang pag-usapan ang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng real estate sector at public service sa pamamagitan ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Oducado, ang isa sa mga paksang tinutukan sa naturang pulong ay ang pagsusulong ng mga programang pabahay (housing projects) na tinawag nilang “family-centered and social welfare” para matugunan ang problema ng bansa sa pahabay.
Ipinahayag din ng baguhang kongresista na sumentro din ang kanilang pulong sa magkahalintulad na adbokasiya ng 1-TAHANAN Party List at MBR kung saan kapwa nila nilalayon na mag-institutionalize ang programa kaugnay sa murang pabahay kasunod nito ang pagpapa-igting ng proteksiyon para sa mga mahihirap.
Binigyang diin naman ni Oducado na isusulong nito sa pagpasok ng 20th Congress ang adbokasiyang pinaninindigan ng 1-TAHANAN Party List na maghain ng mga panukalang batas upang mabigyan ng tahanan ang bawat mamamayang Pilipino.
Kabilang sa mga panukalang batas na pina-planong ihain ni Oducado ay ang “rent-to-own housing” para sa mga kuwalipikadong low-income beneficiaries kasama na dito ang suporta para sa pagpapalawak ng benepisyo para sa mga senior citizens.
Sa panig naman ng MBR, kinumpirma nito ang kanilang suporta para sa mga programang itutulak ni Oducado patungkol sa programang pabahay kasunod ang kanilang kahandaan na makipag-collaborate sa 1-TAHANAN Party List para isulong ang isang responsableng real estate development, professional practice at community impact.