Oducado

Oducado nagbabala kaugnay sa mga kolorum na draybers sa mga ride-hailing apps

Mar Rodriguez Apr 16, 2026
66 Views

NAGBABALA si 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado kaugnay sa mga “ride-hailing app” bunsod ng pagkakaroon dito ng mga kolorum na drivers.

Ito ay matapos mabunyag sa isinagawang pagdinig ng House Joint Committee ang hindi pagkakatugma sa pagitan ng mga rehistradong driver at aktuwal na mga drayber na gumagamit ng kanilang apps na nagdudulot ng panganib sa mga pasahero.

Dahil dito, mariing binatikos ni Oducado ang application o apps ng mga Transport Network Vehicles Services (TNVS) kabilang na dito ang malalaking kompanya tulad ng Grab at Move It.

Pagbibigay diin ng kongresista na ito ay makaraang hindi umano sumasalamin sa aktuwal na bilang ng kanilang mga drivers ang masterlist na isinumite ng mga nasabing kompanya sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Oducado, ang naturang usapin na nabunyag sa pagdinig ng Kamara de Representantes ay nagdudulot ng problema sa pamamahagi ng ayuda para sa mga mahihirap na draybers bukod pa sa peligrong maidudulot naman nito para sa mga commuters.

“It is disappointing how it took a crisis to expose that there is a huge gap between how many drivers are declared by TNVS apps and how many are actually on the road,” sabi ni Oducado.

Ipinahayag naman ng pamunuan ng DOTr na ang hindi pagkakatugma sa masterlist sa aktuwal na bilang ng mga draybers ay nagdudulot ng malaking pagka-antala at kalituhan sa pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na krisis sa langis.

Sinabi din ng Party List solon na maraming aktibong drayber ang wala sa opisyal na masterlist o hindi ma-verify ang kanilang kuwalipikasyon. Kung saan, ang ibig sabihin ay maaaring lumampas ng malaki ang kabuuang bilang ng mga drayber sa pinapayagang bilang ayon sa batas para sa TNVS app.

Muling binigyang diin ni Oducado na kapag pinayagan umano na manatili ang ganitong sistema ay mistulang kinukunsinte ang pamamayagpag ng colorum operations sapapagkat kailangan umanong managot ang mga platform apps.