Calendar
OFW Hotline isusulong ni Villar sakaling mahalal sa Senado
PASAY CITY, MANILA — Kung sakaling siya’y papalarin na maluklok pagkatapos ng May mid-term elections, ang isa sa mga issues na pangunahing tututukan ni administration senatorial candidate at House Deputy Speaker Camille A. Villar ay ang problemang kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa isang panayam ng People’s Taliba kay Villar, sinabi nito na dalawang sektor ng mga kababaihan ang nais nitong pagtuunan ng pansin alinsunod sa isinusulong niyang adbokasiya sa Kamara de Representantes upang mabigyan ang mga ito ng kaukulang proteksiyon.
Nabatid kay Villar na nais nitong isulong ang OFW Hot Line Tulong para sa mga Overseas Workers na pinasimulan ng kaniyang ama na si dating Senate President Manuel “Manny” Villar para matulungang makabalik ng bansa ang mga OFWs na dumaranas ng kaapihan, pagmamaltrato at pang-aabuso sa ibayong dagat.
Ayon sa kongresista ng Las Pinas, layunin ng OFW Hot Line Tulong na matulungan ang mga OFWs na makabalik ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng pamasahe dahil ilan sa kanila ang wala ng pamasahe pabalik ng bansa.
Ikinatuwiran pa ng Metro Manila Lady solon na mas magiging madali na ang pagkakaloob ng tulong para sa mga OFWs na dumaranas ng pang-aabuso at hindi makataong pagtrato sa ibayong dagat sa pamamagitan ng “digital online” upang mapadali ang pakikipag-ugnayan sa mga OFWs na biktima ng pang-aagrabyado ng kanilang amo.
Aminado si Villar na sa kabila ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para protektahan ang mga Overseas Workers ay nagpapatuloy parin ang mga kaso ng pang-aabuso at panghahalay laban sa mga kababaihang OFWs.
“Dalawang sector ang gusto natin tulungan at maproteksiyunan lalong lalo na ang mga OFWs. One of the things I wanted to reprise was the OFW Hot Line Tulong that my father Senate President Manny Villar started many years ago. Nakakapagpa-uwi siya ng mga OFWs na medyo hindi maganda ang nararanasan sa ibang bansa,” wika ni Villar.