Magsino

OFW Party List Group suportado ang panukalang batas vs pangbu-bully

Mar Rodriguez Jun 18, 2023
191 Views

SINUSUPORTAHAN ng OFW Party List Group ang inihaing panukalang batas na nagbabawal sa loob ng isang opisina na magkaroon ng “pangbu-bully” laban sa isang empleyado katulad ng harassment, pagkakalat ng fake news, pagkakalat ng chismis, paninira o character assassination at iba pa.

Nauna rito, binigyang diin ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na kailangang magpatupad mismo sa loob ng isang opisina ng patakaran o polisiya laban sa pangbu-bully o “office bullying” laban sa isang empleyado na pinag-iinitan ng mga kasamahan nito.

Dahil dito, sinabi ni Magsino na sinusuportahan nito ang inihaing panukalang batas sa Kamara de Representantes upang matigil o mahinto na ang laganap na “bullying” sa loob ng mga opisina na nakapaloob sa House Bill No. 8446 na isinulong nina ACT-CIS Party List Congresswoman Jocelyn Tulfo.

Ipinaliwanag ni Magsino na kaya talamak ang pangbu-bully sa loob ng mga opisina ay dahil kinukunsinte at hinahayaan lamang ng management ng isang opisina na mangyari ito. Kung saan, nalilimutan nilang isa-alang-alang ang kapakanan ng kanilang mga empleyado na nakakaranas ng pangbu-bully.

Muling binigyang diin ni Magsino na dahil hinahayaan lamang ng management na umiral ang “bullying” sa loob ng kanilang opisina. Kaya nagmi-mistulang ordinaryo o normal na lamang ito habang hindi naman nila nakikita ang magiging epekto nito sa mental health at emotional damage ng biktimang empleyado.

Ayon sa OFW Lady solon, matagal na umanong issue ang “office bullying” maging sa lahat ng trabaho. Subalit hindi lamang nabibigyan ng pansin sapagkat ang iniisip ng ibang tao na ito’y normal lamang na kadalasan ay idinadaan sa mga biruan ngunit nakakasakit naman sa taong pinatutungkulan nito.

Iginigiit pa ni Magsino na napaka-importanteng mapanatili ang isang “friendly environment” sa loob ng isang opisina o work place. Sapagkat ang pagkakaroon ng maayos na mental health at emotional wellbeing ay nakakatulong ng malaki para maging produktibo ang pagta-trabaho ng isang empleyado.

“Paano ka makakapag-trabaho ng maayos kung sa loob ng inyong opisina ay mayroong nangha-harass sa iyo at may nangbu-bully. Siyempre hindi, disturbed ka at hindi makakapag-concentrate sa iyong trabaho dahil emotionally stress ka duon sa taong nagbu-bully sayo,” paliwanag ni Masgino.

Ipinabatid naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar na hindi lamang dapat mapasama sa House Bill No. 8446 ang mga nagta-trabaho sa opisina kundi maging ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ipinaliwanag ni Millar na kung usapin ng “bullying” ang pag-uusapan. Mas matindi aniyang “bullying” ang nararanasan ng mga OFWs sa mga nakalipas na panahon dahil ang karamihan sa kanila’y nagiging biktima ng pangha-halay ng kanilang mga amo, pagpaslang, pananakit at iba pang krimen.

Sinabi ni Millar na bagama’t hindi sakop ng HB No. 8446 ang batas ng ibang bansa. Subalit kailangan aniyang maisama sa panukalang batas ang paghahabol at pagpapanagot sa mga employer sa krimeng ginawa nila sa isang OFW para mabigyan sila ng hustisya laban sa pangbu-bully.