Calendar
OFW Party List Group tututukan OFWs na nasa death row
TINIYAK ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes na patuloy nilang tututukan at babantayan ang kaso ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) partikular na ang mga Pilipinong nakasalang sa “death row” sanhi ng iba’t-ibang kasong kinakaharap nila.
Ang naging pahayag ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ay kasunod ng ginawang pagpapalaya ng gobyerno ng United Arab Emirates (UAE) sa tatlong OFWs na nakasalang sa parusang kamatayan dahil kasong drug trafficking na “capital offense” sa nasabing bansa.
Binigyang diin ni Magsino na ang kaso ng tatlong OFWs na nabigyan ng “pardon” ng pamahalaan ng UAE ay nagpapakita lamang na patuloy nilang binabantayan at tinututukan ang kaso ng iba pang OFWs na mayroong kahalintulad na kapalaran sa ibayong dagat o nahaharap sa parehong sitwasyon.
Ipinaliwanag din ni Magsino na noon pa man ay nakatutok na sila sa kalagayan ng mga OFWs na nahatulan ng capital offenses at iba pang mabibigat na kaso sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng legal assistance partikular na sa mga OFWs na may pag-asang mabaliktad ang kanilang kaso.
Sinabi din ng OFW Lady solon na inihain niya ang House Resolution No. 684 sa Kamara de Representantes noong January 09, 2023 na naglalayong magkaroon ng imbestigasyon ang House Committee on Overseas Workers Affairs patungkol sa kaso ng mga OFWs na nakasalang sa death row.
“Patuloy nating binabantayan ang kapakanan ng ating mga kababayan na nasa death row sa mga bansang pinagta-trabahuhan nila. Dati pa man, inihayag na natin ang kahalagahan ng pagsilip sa kalagayan ng mga OFWs na nahatulan ng capital offenses at mga nasa death row,” Ayon kay Magsino.
Ipinabatid pa ni Magsino na ang pakikipag-sapalaran ng mga OFWs sa ibayong dagat ay isang mistulang pagsuong nila sa napakalaking panganib sapagkat naroroon aniya ang “risk” na maaari silang masampahan ng kaso totoo man o hindi ang kasong isinampa laban sa kanila ng kanilang employer.
“A life-threatening challenge our OFWs have to deal with while working in foreign countries is the risk of getting criminally charged. Whether with factual basis or merely fabricated and face the possibility of incarceration or meted with death penalty as the penal laws of the host counties may impose if found guilty,” Sabi pa ni Magsino.