Calendar
OFW Party List Group umaapela kay PBBM para sa kaso ng 83 OFWs na nakapila sa death row sa ibang bansa
HINIHILING ngayon ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na panghimasukan nito o mag-intervene para sa kaso ng 83 Pilipinong manggagawa o OFW’s na kasalukuyang nakapila sa death row sa iba’t-ibang bansa.
Umaapela si OFW Party List. Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino kay Pangulong Marcos, Jr. para maligtas sa parusang kamatayan ang tinatayang 83 OFW’s mula sa iba’t-ibang bansa na pinaglilingkuran nila. Habang nananawagan din siya na reviewhin ang kaso ng mga OFW’s.
Matatandaan na sa isinagawang briefing ng House Committee on Overseas Workers Affairs. Sinabi ni Magsino na nabatid mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na 56 mula sa nasabing kaso ang mula sa bansang Malaysia. Samantalang ang iba pa ay mula sa United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia, Indonesia, Bangladesh, China, Vietnam, Amerika, Japan at Brunei.
Ipinaliwanag ni Magsino na masyado aniyang nakakabahala ang kasalukuyang kalagayan ng 83 OFW’s. Kung saan, umaasa ang mambabatas na maaaring mayroong magawa ang Pangulong Marcos, Jr. para mailigtas ang mga Pilipinong manggagawa mula sa kanilang sentensiyang kamatayan.
Binigyang diin pa ni Magsino na ang 83 OFW’s ay hindi lamang dapat tignan bilang estatistika ng mga Pilipinong manggagawa na nahaharap sa iba’t-ibang kaso sa abroad. Sa halip ay dapat silang tignan bilang repleksiyon ng napakaraming OFW’s na hindi nakakatiyak sa kanilang kapalaran sa ibang bansa.
Ayon kay Magsino, ang kaso ng mga 83 OFW’s ay “final and executory”. Subalit ang tanging pag-aasa at remedyo na lamang aniya para sila ay makaligtas ay sa pamamagitan ng paggagawad sa kanila ng pardon.