Magsino

OFW Party List, muling inilunsad ang Bida sa Kapaskuhan 2024 para sa libo-libong OFWs

Mar Rodriguez Nov 26, 2024
77 Views

Magsino1Magsino2Magsino3Magsino4MULING inilunsad ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang “Bida sa Kapaskuhan 2024” sa Ninoy Aquino Stadium upang maghatid ng saya para sa libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Magsino na ang inilunsad nitong maagang Pamasko ay dinaluhan ng tinatayang nasa 2,000 OFWs mula sa iba’t-ibang lalawigan na isang uri ng pagpapasalamat para sa napakalaking sakripisyo at kontribusyon ng mga OFWs para sa bansa.

Ayon kay Magsino, hindi matatawaran ang napakalaki at napakadakilang ambag ng mga OFWs para sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga ipinapadala nilang remittances. Kaya ang mga okasyong tulad nito ay tanda ng pagkilala ng OFW Party List para sa mga OFWs na itinuturing na mga “Bagong Bayani”.

“Tayo po ay maligayang maligaya dahil ito po ang ating maagang Pamasko at regalo ng mga OFW Party List para sa ating mga OFWs. Dahil alam niyo naman na kapag dumating na ang December, sobra na ang traffick, sobra ng dami ng dami ng mga events at marami ng imbitasyon at siyempre may yung panahon natin para sa ating pamilya. So ngayon po ang pinaka-Christmas party ng OFW Party List para sa ating mga OFWs,” sabi ni Magsino sa People’s Taliba.

Ikinagagalak din ng kongresista na hindi aniya nakakalimutan ng mga OFWs ang tulong at suporta na ibinigay ng OFW Party List para sa kanila sa pamamagitan ng mga mahahalaga at makabuluhang panukalang batas na isinusulong nito sa Kamara de Representantes kabilang na dito ang kasasa-batas pa lamang na Magna Carta for Seafarers at ang pagsasabatas sa Internet Voting na ipapatupad na sa papalapit na 2025 mid-term elections.

Samantala, pinasalamatan naman ni Magsino sina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa pagsasabatas ng Magna Carta for Filipino Seafarers na isang tanda ng kanilang buong suporta para sa hanay ng mga OFWs.

“First and foremost, nais ko lang pasalamatan sina President Bongbong Marcos, Jr. at Speaker Martin Romualdez dahil naging batas na po ang Magna Carta for Filipino Seafarers kung saan ang OFW Party List po ang principal sponsor. Nagpapasalamat din po ako sa ating mga kasamahan sa Kamara dahil sa kanilang buong suporta na ibinigay nila sa atin. Kasama na dito ang pagsasabatas ng Internet Voting na gagamitin narin sa 2025 elections,” wika pa ni Magsino.