Magsino

OFW Party List nababahala sa 83 OFWs na nasa death row

Mar Rodriguez Mar 3, 2023
251 Views

NAGPAHAYAG ngayon ng pagkabahala ang Overseas Filipino Workers Party List Group sa Kamara de Representantes kaugnay sa 83 Pilipinong manggagawa o mas kilala bilang mga OFWs na kasalukuyang nakasalang o nakapila sa parusang kamatayan sa iba’t-ibang bansa.

Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na labis nilang ikinababahala ang kasalukuyang kalagayan ng 83 OFW’s na nakapila sa parusang kamatayan. Kung saan, wala pang linaw kung ang ilan ba sa mga ito ay mapapalaya mula sa bansang kinaroroonan nila.

Nabatid kay Magsino na 56 sa mga OFW’s na kasalukuyang naghihintay ng kanilang kapalaran sa “death row” ay nasa bansang Malaysia, 6 sa United Arab Emirates (UAE), 5 sa Saudi Arabia at ang 15 naman ay nasa mga bansang Bangladesh, China, Vietnam, United States of America (USA) at Brunei.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na ang impormasyong ito ay inihayag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ni DFA Assistant Secretary Paul Cortez sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs patungkol sa kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad.

Ayon kay Magsino, kabilang sa mga OFW’s na nakapila sa death row ay si Mary Jane Veloso. Kung saan, naudlot ang nkatakdang pagbitay sa nasabing OFW noong nakaraang April, 2015. Matapos itong magbigay ng kaniyang testimonya laban sa kaniyang mga recruiters na umano’y nagsangkot sa kanya sa drug trafficking.

Idinagdag pa ng kongresista na ang labis pa nilang ikinababahala ay ang nakalap nilang impormasyon mula kay Cortez na pinal na ang death penalty cases ng 56 Pilipinong manggagawa sa Malaysia at ang tanging na lamang magagawa ay ang paggagawad ng Malaysia ng pardon para sila makaligtas.

“Labis kaming nalulungkot sa kalagayan nitong 56 Pilipinong manggagawa sa Malaysia at iba pang mga kababayan natin na nakakulong sa abroad. Ang tanging pag-asa na lamang natin ay ang mabigyan sila ng pardon ng Malaysian government para sila ay makaligtas sa death penalty,” ayon kay Magsino.

Nabatid pa kay Magsino na 1,267 OFW’s naman ang nakakulong dahil sa iba’t-ibang kasong kinakaharap nila sa ibang bansa. Habang 2,104 naman ang kasalukuyang nahaharap din sa iba’t-ibang mga kaso subalit sila’y nakakalay.