Magsino

OFW Party List nag-donate ng dialysis machines para sa mga mahihirap na pasyente ng Pasay City

Mar Rodriguez Feb 7, 2025
16 Views

Magsino1Magsino2Magsino3Magsino4TULOY-TULOY ang paglilingkod ng OFW Party List sa Kamara de Representantes. Matapos pangunahan ni Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang ginanap na “turn-over ceremony” ng dalawang dialysis machines bilang donasyon para matulungan nito ang libo-libong mahihirap na pasyente ng Pasay City.

Sinabi ni Magsino na ang kaniyang donasyon ay mahalagang hakbang upang matulungan ang mga indigent na pasyente na nangangailangan ng hemodialysis sa Pasay City General Hospital partikular na ang mga pasyenteng miyembro ng OFW Party List.

Nabatid sa kongresista na ang naganap na donasyon ay bahagi ng binalangkas na kasunduan sa pagitan ng OFW Party List at Local Government Unit (LGU) ng Pasay City upang magkaroon ng dialysis machine sa Lunsgod na magbibigay ng libreng dialysis treatment ang PCGH para sa mga miyembro ng OFW PL.

Ipinahayag din ni Magsino na batid nito kung gaano kabigat at kahirap ang pinagdadaanan ng mga pasyenteng may sakit sa bato lalo na aniya ang napakalaking gastusin para sa pagpapatuloy ng kanilang gamutan kaya hangad nitong maibsan ang kanilang pagdurusa.

“Alam natin kung gaano kabigat ang pinagdadaanan ng ating mga kababayang may sakit sa bato. Lalo na ang gastusin para sa patuloy nilang gamutan, kaya naman. Hangad nating maibsan kahit papaano ang kanilang dinadala sa pamamagitan ng libreng dialysis treatment sa mga pasyente ng Pasay City General Hospital,” sabi ni Magsino.

Ayon pa sa mambabatas, ang pag-turn-over nito ng dialysis machine at ang pagbibigay ng libreng dialysis treatment ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng OFW Party List na makapaghatid ng konkretong tulong para sa sektor ng kalusugan at mga mahihirap na pasyente.