Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Oil players pinatutulong ibsan epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo

Mar Rodriguez Sep 19, 2023
170 Views

NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga kompanya ng langis na tumulong sa pagpasan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo upang mabawasan ang epekto nito sa mga ordinaryong Pilipino.

Sa isinagawang consultative meeting sa Kamara, iminungkahi ni Speaker Romualdez na bawasan ng mga kompanya ng langis ang kanilang kita para bumaba ang presyo ng produktong petrolyo.

“If you are part of the solution, Congress will be very appreciative and supportive of you. But if you are part of the problem, we might have to undertake measures that would be unpalatable to you,” sabi ni Speaker Romualdez.

“I hope we can work together to help our people,” dagdag pa ni Romualdez.

Bukod sa mga miyembro ng Kamara, kasama sa pagpupulong ang mga opisyal ng Department of Energy, at mga kinatawan ng mga kompanya ng langis.

Sinabi naman ng mga kinatawan ng mga kompanya ng langis na ipararating nila sa kanilang mga principal ang apela ni Speaker Romualdez.

Ipinanukala rin ni SAGIP Rep. Rodante Marcoleta ang pagrepaso sa Oil Deregulation Law upang maging transparent ang pricing scheme na ginagamit ng mga oil industry player.

Sinabi ni Marcoleta na nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) ang mga kompanya ng langis laban sa circular na inilabas ng DOE kung saan pinagsusumite ang mga kompanya ng langis ng detalyadong komputasyon ng kanilang ginagawang pagpipresyo sa kanilang mga produkto.

Pinuna naman ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, senior Vice Chair ng House Appropriations Committee, ang pare-parehong pagtataas na ipinatutupad ng mga kompanya ng langis hanggang sa huling decimal point.

“There is no reason why you would have the same weekly price adjustments,” sabi ni Rep. Quimbo.

Ipinanukala ni Quimbo na itigil na ang pagsusumite ng mga kompanya ng langis sa DOE ng lingguhang pagbabago sa presyo at gawin na lamang ito sa mga panahon na kinakailangan.

Tiniyak naman ni Speaker Romualdez na bukas ang Kamara na dinggin ang iba pang alternatibong paraan upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo kasama na ang posibleng pagbawas sa buwis na ipinapataw sa mga ito.

“We want to make sure that we can bring to the Filipino people a very safe, secure supply of oil products at very reasonable and realistic prices,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Dumalo sa isinagawang consultative meeting ang mga opisyal ng DOE sa pangunguna ni Undersecretary Sharon Garin, at mga kinatawan ng Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., Independent Philippine Petroleum Companies Association, Chevron Philippines Inc., Philippine Institute of Petroleum, Flying V, at Total Philippines Corp.