Ortega La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V

‘Okay lang ba siya?’: Kalagayan ni VP Duterte kinuwestyon dahil sa mga kontrobersyal na pahayag

50 Views

SaraNAGPAHAYAG ng pagkabahala si House Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V sa kalagayan ni Vice President Sara Duterte, matapos ang mga kontrobersyal na pahayag nito sa isang pulong balitaan noong nakaraang linggo.

“‘Yung sa akin po talaga, gusto kong tanungin kung okay lang ba siya. Nag-aalala po talaga ako,” ani Ortega sa isang press conference Lunes sa Kamara de Representantes.

Noong weekend ay nanawagan sina Ortega at Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na sumailalim sa isang psychological evaluation ang bise presidente dahil sa mga nakakaalarmang pahayag nito.

Sinabi ni Duterte na na-imagine nito na pugutan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at hukayin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. para itapon sa West Philippine Sea.

Sa harap ng mga mamamahayag inihayag ni Ortega ang pagkabahala sa estado ng katinuan ni Duterte dahil hindi na lang basta politika ang mga binitiwan nitong salita.

“The statements were not even, for me, hindi na siya political. Parang it’s a question of kultura. Nasa kultura ba nating mga Pilipino ang mga ganyan na statements? Ganyan ba tayo pinalaki? Ganyan ba kapaligiran natin?” sabi ni Ortega.

“Talagang nanlilisik. Parang galit na galit sa mundo. ‘Yun lang kaya talagang question ko, kung talagang okay ba siya,” dagdag pa niya.

Sabi pa ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, ang mga pahayag ng bise presidente ay hindi nagustuhan ng maraming Pilipino.

“Well, I have to agree with Cong. Ortega. I think it’s a cultural issue, most especially ‘yung relation sa desecration ng bangkay. I think most of the people have already complained po,” ani Gutierrez.

Dagdag pa nito, “I think it doesn’t really involve any comment on our part as congressmen and we leave it to the people to decide on how they would see that as qualities of a leader.”

Bagamat sinabi ni Ortega na suhestyon lang ang pagpapatingin ni Duterte sa ekpersto, hindi aniya maaalis na isiping mayroong mas malalim na isyung kinakaharap ang bise presidente.

“Suggestion lang naman ‘yun. Unang-una, hindi rin ako pwedeng magrekomenda at wala rin akong kilala kasi so far parang okay pa naman ako,” sabi ni Ortega.

“Pero the people have seen the interview, parang may something. Parang punong-puno ng galit, parang ‘yung mga lumabas sa ating mga pahayagan parang talagang hindi ko alam kung may meltdown,” dagdag ng mambabatas.

Paniwala ni Ortega, ang inasal ni Duterte ay para lamang alisin ang atensyon ng publiko sa kung paano niya ginastos ang pera ng bayan.

“May problema na nangyayari right before our eyes during the press conference. But again, baka it’s another diversionary tactic,” sabi ni Ortega.