hidelyn diaz Diaz: Graduate na sa St. Benilde. Photo from Hidilyn Diaz’s Facebook page.

Olympic champion Diaz nakatapos ng college

Robert Andaya Jul 24, 2023
256 Views

HULI man daw at magaling naihahabol din.

Nakamit ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo ang kanyang matagal ng pangarap matapos makuha ang degree sa business administration, major in management, sa La Salle-College of St. Benilde nung Sabado.

Buong pagmamalaking inanunsyo ni Diaz, na gumawa ng kasaysayan matapos masungkit ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa nung 2020, ang kanyang naabot na pangarap na makatapos ng pag-aaral sa kanyang social media page.

Ipinakita din niya ang kanyang graduation photos, na nakasuot ng toga.

“Nakakaiyak din pala. Not an ordinary day. Inabot din ng 16 years, nag-shift ng courses, nag-transfer ng school, nag-LOA dahil ang hirap pagsabayin ang pagwe-weightlifting at pag-aaral,” pahayag ni Diaz sa social media.

“Dreaming of graduating from college and earning a degree while preparing for the Olympics. Hindi ko akalain na magagawa ko, after sleepless nights and tiring days from training while attending school at De La Salle-College of St. Benilde. Posible pala,” pag-kwento pa niya.

Hinimok din ng 32-year-old pride ng Zamboanga ang mga kapwa student- athletes na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng madaming nga pagsubok sa buhay.

“Kung nakaya ko, kaya din ng mga student-athletes, at mga bata at sa lahat na gusto makapagtapos, age doesn’t matter, mahirap pero super worth it. I never imagined reaching this point. But here I stand,” pahayag pa ni Diaz sa kanyang social media page.