Romualdez

Ombudsman hiniling na madiskwalipika sa imbestigasyon laban vs Romualdez

Mar Rodriguez Apr 24, 2026
24 Views

HINIHILING ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang diskwalipikasyon ng Office of the Ombudsman sa imbestigasyon laban sa kanya kaugnay ng kontrobersiyal na multi-bilyon pisong flood control scam.

Nagbabala ang dating House Speaker na ang pagsisiyasat ay may bahid na ng “pattern of prejudgment” o paunang paghatol na lumalabag sa karapatan sa due process.

Ikinatwiran ng mga abogado ng dating Speaker na ang mga pahayag sa publiko ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ng kanyang mga opisyal ay nagpapakita na napagdesisyunan na ang pagsasampa ng kasong plunder sa kabila ng kawalan ng pormal na reklamo o preliminary investigation.

“There is a reasonable impression that the Ombudsman has already resolved to prosecute our client,” pahayag ng mga defence lawyers ni Romualdez.

Binigyang-diin sa nasabing liham na ang di-umano’y pagkiling ay nagsimula pa noong Nobyembre 2025, nang ihayag ni Remulla na ilang linggo ng pinag-aaralan ng kanyang tanggapan ang kaso at tinatalakay na ang posibleng sakdal na plunder.

Lumala ang mga pahayag na ito patungo sa mga pampublikong deklarasyon na ang kasong plunder ay “seryosong inihahanda” at posibleng may kinalaman sa sabwatan at maraming personalidad.

Para sa kampo ni Romualdez, ang mga ito ay hindi na neutral na ulat sa imbestigasyon—kundi maagang paglalantad ng teorya para sa prosekusyon.

Pinuna rin ng mga abogado ni Romualdez ang mga pahayag sa hanay ng Ombudsman kabilang ang isang press conference kung saan umano tinukoy ni Assistant Ombudsman Mico Clavano si Romualdez bilang isang “master plunderer.”

Napansin din ng mga abogado ng mambabatas na kahit inamin ni Remulla ang hirap ng pagpapatunay ng plunder sa ilalim ng kasalukuyang batas (jurisprudence) patuloy pa rin ang kanyang pagtalakay sa publiko tungkol sa pagsasampa nito.

Sabi pa ng mga abogado ni Romualdez na ito ay nagpapahiwatig na ang sakdal ay itinakda na bago pa man matapos ang pagsusuri.

Ayon sa depensa, ang lahat ng pahayag na ito ay lumilikha ng impresyon na ang anumang imbestigasyon ay magiging “pormalidad na lamang” upang bigyang-matwid ang isang nakaplano ng resulta.