OMBUDSMAN

Ombudsman inaksyunan alegasyon vs VP Sara bago pa man makita ebidensya — Chua

25 Views

BAGO pa man makita ang ebidensya ng House Committee on Good Government ay umaksyon na ang Office of the Ombudsman sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila Rep. Joel Chua.

“The mere fact na in-adopt nila ang aming committee report nang hindi pa man din naka-attach doon ang mga ebidensya, eh ibig sabihin noon, nakikita po nila na meron na pong probable cause,” ani Chua, chairman ng Good Government committee at isa sa House impeachment prosecutor.

Ayon kay Chua, naipadala sa Ombudsman ang ulat ng komite noong Hunyo 16, anim na araw matapos itong aprubahan. Makalipas ang tatlong araw, inutusan ng Ombudsman si Duterte at iba pa na magsumite ng kanilang counter-affidavit.

“Bagamat doon sa isinumite naming committee report, hindi pa nakapaloob dito ‘yung mga ebidensya namin… masasabi namin na parang mabilis din ‘yung pangyayari,” ani Chua.

“So, medyo nagulat lang kami, pero maaasahan po ninyo na kami naman ay magko-comply dito,” dagdag pa ng kongresista.

Sinabi rin ni Chua na nagulat ang komite sa mabilis na aksyon ng Ombudsman, lalo na’t noong 2023 ay nagpahayag ito ng salungat na pananaw.

“This is a welcome development sa amin. Dahil kung maalala ninyo, noong November sinasabi ng ating Ombudsman na wala siyang nakikitang violation ng ating Bise Presidente. So sa pag-akto nila dito sa aming committee report, maaaring nag-iba na ang kanilang opinion,” sabi ni Chua.

Kung magsusumite ng counter-affidavit ang panig ni Duterte, sinabi ni Chua na hihiling sila ng sapat na panahon upang makapaghain ng kanilang sagot, na sa pagkakataong ito ay sasamahan na ng lahat ng dokumento at annexes na ginamit sa pagbuo ng ulat ng komite.

“Kami naman ay humihingi ng ilang palugit para makapag-submit naman ng aming reply. So we will cooperate,” ani Chua.

Nang tanungin tungkol sa pangamba ng ilang mambabatas sa naging hakbang ng Ombudsman bago pa magsimula ang impeachment trial sa Senado, sinabi ni Chua na may umiiral na batas na dapat sundin.

“Masasabi po natin na na-surprise din kami kasi itong ating Vice President ay impeachable officer. Nakalagay doon sa mandato [ng Ombudsman] ay dapat antayin muna ang maging resulta ng impeachment bago ma-file ang mga kaakibat na charges,” paliwanag ni Chua.

“Kaya medyo nasorpresa kami sa bilis ng trabaho ng ating Ombudsman. But just the same, ito ay wine-welcome namin at kami ay makikipag-cooperate fully,” dagdag ng mambabatas.

Nilinaw ni Chua na handa ang komite na tumulong sa legal na proseso at tiwala silang igagalang ang due process at mga patakaran sa Konstitusyon sa paghawak ng kaso laban sa mga impeachable official.