Gesmundo

Onsite employee binawasan ng SC

241 Views

DAHIL sa pagtaas ng bilang ng mga nahahawa ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagbawas sa mga empleyado na pumapasok sa mga tanggapan nito.

Sa memorandum order na ipinalabas ni SC Chief Justice Alexander Gesmundo, 50 hanggang 80 porsyento lamang ang maaaring pisikal na pumasok sa mga piling tanggapan ng SC hanggang sa Hulyo 31.

Pero 100 porsyento ng mga empleyado ang kailangang pumasok ng pisikal sa Fiscal Management and Budget Office, Office of the Bar Confidant, Office of Administrative Services, at maintenance, security at motorpool sections ng SC.

Walumpung porsyento naman ng mga tauhan ng Docket and Receiving Section ng Judicial Records Office, procurement and property division, at Office of the Court Administrator na nagpoproseso ng mga clearance at pambayad ang pinapapasok ng Korte Suprema.

Ang iba pang tanggapan ng SC ay hanggang 50 porsyento lamang ang maaaring pumasok.

Ang mga justice naman ang siyang magtatakda kung ilan sa kanilang staff ang papapasukin.

Ang mga onsite employee ng SC ay papasok mula 8 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon.

Inaasahan na susunod ang Court of Appeals, Court of Tax Appeal, at Sandiganbayan sa schedule ng SC.

Ang iba pang trial court ay nagpapatupad ng 50-75 porsyentong onsite work.