Senado Habang papalapit ang panahon ng eleksyon, inaasahan na magtutulak ang mga natuklasan ng Senado sa agarang reporma upang maprotektahan ang pambansang soberanya—pati ang digital na teritoryo ng bansa.

Operasyon ng kumpanya, dayuhang paninitiktik iniimbestigahan sa Senado

20 Views

“GAANO katagal na at kalalim ang isinasagawang paniniktik sa ating bansa?

Sa isang malawakang pagbubunyag, detalyadong inilatag sa magkakasunod na pagdinig sa Senado noong Mayo 5, 2025,”na pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang masinsinan at mainit na imbestigasyon hinggil sa operasyon ng isang kumpanya at sa umano’y kaugnayan nito sa dayuhang paniniktik, pagkakalat ng maling impormasyon, at lihim na pag i-impluwensya sa mga institusyong Pilipino para mamaniobra umano ang isipan ng maraming mamamayan pabor sa interest ng banyagang Tsina.

Sa pinakapuso ng imbestigasyon ay ang lumalaking pangambang: mga dayuhang pinopondohang troll farms na nagpapanggap bilang propesyonal na serbisyo, gamit ang mga kagamitan sa lihim na pagmamanman, at di-umano’y konektado sa mga network ng impluwensiyang nakabase sa Tsina at mga lokal na kasabwat para ikalat ang mga maling impormasyon at mga paninira upang maisakatuparan ang kanilang interes laban sa bansa at sa mamamayan.

Nagsimula ang imbestigasyon sa tila maliit na detalye: isang recruitment notice na nakapaskil sa labas ng opisina ng kumpanya, na naghahanap ng TikTok streamers na may hindi bababa sa 200 followers.
Walang iba kundi ang CEO ng kumpanya ang nagkumpirma sa naturang posting, na nagsabing, “We are hiring employees for the TikTok post.” Bagama’t tila walang malisya, ang simpleng detalyeng ito ang naging daan sa mas malalim na alegasyon.

Ipinrisenta ng mga imbestigador ng Senado ang mga dokumentong nagpapahiwatig na ang Embahada ng Tsina ang nagkomisyon sa nasabing kumpanya upang magpatakbo ng isang “Public Opinion Guidance Team,” na inutusan upang magsagawa ng mga kampanya sa social media, mensahe sa oras ng krisis, at regular na pag-uulat—mga tungkuling akma sa koordinadong digital na propaganda.

Kapansin-pansin, nakasaad sa mga dokumento ang kabuuang bayad na ₱930,000, na tugma sa tsekeng isinumite bilang ebidensya at direktang naugnay sa Infinitus.

Iginigiit ng CEO na ang naturang pondo ay reimbursement para sa isang event na ginanap sa Manila Hotel noong Hunyo 2023. Gayunpaman, nang hingan ng katugmang resibo, isinumite niya ang isang budget proposal na may petsang Setyembre 2023. Tinanggihan ito ni Tolentino at sinabing, “Either you’re trying to confuse this committee, or you’re lying up front outright.”

Lalong tumindi ang pagdinig matapos ang pagsisiwalat ukol sa pag-aresto sa isang Chinese national, noong Abril 29 sa tapat ng Commission on Elections sa Intramuros. Nakumpiska mula sa kanya ang isang kulay abong Mitsubishi Adventure at isang IMSI catcher—isang device na kayang mangalap at subaybayan ang komunikasyon sa cellphone.

Ayon kay Tolentino, ang natural dayuhan ay ika-19 na banyagang suspek sa espiya na naaresto sa bansa. Tinanong niya kung konektado ang mga kasong ito at humiling ng update mula sa National Bureau of Investigation.

Pinagtuunan din ng pansin ng Senado sa pamumuno rin ni Tolentino ang mga pinansyal na operasyon ng kumpanya. Inamin ng CEO na tinanggap niya ang tsekeng nagkakahalaga ng ₱930,000. Bagama’t iginiit ng Bank of China ang Bank Secrecy Law, ipinaliwanag ni Tolentino na ang mga negotiable instruments gaya ng tseke ay hindi nasasaklawan ng batas na ito kung nakuha ng Senado sa paraang legal.

“This is not a deposit. This is a negotiable instrument,” ayon kay Tolentino, na tinutulan ang pagtanggi ng bangko na magbigay ng karagdagang detalye.

Ipinaimbestiga rin sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Foreign Affairs (DFA) kung saklaw ng VAT ang naturang transaksyon. Iginiit ng Embahada ng Tsina ang Vienna Convention para sa exemption, ngunit binigyang-linaw ng BIR na ang exemption ay ibinibigay lamang matapos bayaran ang VAT at mag-apply ng refund. Wala umanong ipinakitang katibayan ng prosesong ito.

Ipinunto ng CEO na ang halaga ay ginugol para sa COVID-19-related expenses—antigen kits, face shields, at masks. Ngunit mariing itinanggi ito ni Tolentino sa pagsasabing wala nang pandemya noon. “Wala na pong COVID noon,” ani niya.

Ipinakita rin sa pagdinig ang karagdagang mga dokumento na tila sumasalungat sa mga pahayag ng CEO. Isang “scope-of-work” report na isinalin mula sa wikang Tsino ang naglalarawan ng mga digital influence operations—kabilang ang mga “targeted attack” laban sa mga Pilipinong opisyal na kritikal sa Tsina, at mga pagsisikap na “turuan” ang mga Pilipino tungkol sa mga sinasabing benepisyo ng presensiya ng Tsina sa bansa. Ayon sa ulat, may 11 katao ang sangkot na may higit sa 600 social media accounts at higit 53,000 followers.

Bagama’t itinanggi ng CEO ang pagiging may-akda o ang kaalaman sa mga nasabing materyal, inamin niyang may 16 empleyado ang kumpanya, kabilang ang mga TikTok hosts. Ipinakita rin sa travel records na madalas itong bumiyahe at ilang kasamahan, kabilang ang isang Micah at iba pang incorporators, papuntang Tsina simula 2019.

Nang tanungin, sinabi ng CEO na karamihan sa biyahe ay para sa gamutan ng kanyang asawa na may cancer. Gayunman, binigyang-diin ni Tolentino na mas maaga pa sa diagnosis ang nasabing mga biyahe. “I have all the flight details, including the airlines and the gate number,” aniya, habang ipinapakita ang detalyadong tala ng mga pagbisita sa Beijing, Canton, at iba pang lungsod sa Tsina.

Sa pagtatapos ng pagdinig, nagsalita ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), NBI, BIR, at DFA, na kapwa binigyang-diin ang pangangailangan ng bagong batas laban sa paniniktik, dayuhang panghihimasok, at digital subversion.

Ipinunto ng NICA ang konsepto ng “Malign Influence and Foreign Interference” (MIFI), kabilang ang mga operasyong kahalintulad ng gerilyang POGO at manipulasyon sa civil registration system upang makakuha ng legal na dokumentong Pilipino.

Sa panig ng DFA, kinilala nila ang mga alalahanin ng Senado at nangakong magiging mas aktibo sa diplomasya kaugnay ng isyu.

Sa kanyang pangwakas na pahayag, nanawagan si Tolentino ng makabagong legal framework para ipagtanggol hindi lamang ang teritoryo ng Pilipinas kundi pati ang digital space nito. “Is there a cyber patrol out there monitoring all of this?” tanong niya. “We still need a more dynamic and proactive legislative framework… If you love the Philippines, help protect our cyberspace.”

Sa kabuuan, isiniwalat ng pagdinig ang isang malalim at magkakaugnay na web ng dayuhang impluwensya—mula sa propaganda at kalituhang pinansyal, hanggang sa hinalang paniniktik.