LTFRB

Operasyon ng school transport service pinayagan na ng LTFRB

Jun I Legaspi Aug 6, 2022
242 Views

PINAYAGAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbalik-operasyon ang mga school transport services bilang bahagi ng paghahanda sa paparating na face-to-face classes.

Ayon sa Memorandum Circular No. 2022-066 ng LTFRB pinapayagan na ang mga school service na mayroong Certificate of Public Convenience (CPC) o Provisional Authority (PA) at maging ang mga mayroong expired na CPC basta may nakabinbing Application for Extension of Validity.

Ang mga transport service na ang CPC ay nag-expire noong Marso 31, 2022 o mag-e-expire hanggang sa Agosto 31, 2022 ay pinapayagan na maghain ng aplikasyon para sa Extension of Validity ng hindi pinapatawan ng penalty.

Pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga school transport service na sumunod sa mga alituntunin gaya ng paglalagay ng grills sa mga bintana, pagdadala ng portable extinguisher at stop and go sign na gagamitin sa pagtawid ng mga bata.

Dapat din umanong sumunod sa minimum health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask ng mga sakay at regular na disinfection ng sasakyan.