Bato

Opisyal na no pay sa mga senador na absent ng walang paalam pinag-aaralan

193 Views

PINAG-AARALAN ng Senado ang pormal na pagpigil sa suweldo at allowance ng mga senador na matagal na lumiliban nang walang pahintulot, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Nais ng maraming senador na amyendahan ang mga patakaran ng kapulungan upang hindi na ipaubaya sa lumilibang na mambabatas ang desisyon kung tatanggap pa ito ng sahod.

Lumutang ang panukala dahil sa matagal na pagliban ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi regular na nakadalo sa Senado mula Nobyembre 2025 maliban sa ilang araw noong Mayo.

Ayon kay Lacson, kusang hindi na tumatanggap ng suweldo at allowance si dela Rosa kaugnay ng kanyang pagliban.

“Pag unauthorized na ang absence, dapat hindi parang self-imposed lang o unilateral na di kukunin ang sweldo. Dapat official na merong sulat sa Land Bank, sa Treasury, na isu-suspend ang sweldo o ititigil,” sinabi ni Lacson.ad

Wala pang umiiral na pangkalahatang “no-work, no-pay” rule para sa mga senador na lumiliban. Kailangan pang linawin kung sino ang magdedeklarang walang pahintulot ang pagliban at anong proseso ang susundin bago ihinto ang bayad.

Nauna nang hiningan ng Senate ethics committee si dela Rosa ng komento sa panukalang amyendahan ang mga patakaran sa pagliban dahil may kaugnayan ito sa reklamong inihain laban sa kanya.

“Hindi (kami) maka-schedule ng ethics hearing si Sen. Tito Sotto kasi sobrang abala kami these days,” ani Lacson.

Hinahanap si dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court sa mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte. Itinanggi niya ang pagkakasangkot sa extrajudicial killings.

Sandaling lumitaw si dela Rosa sa Senado noong Mayo bago muling mawala matapos ang putukan at kaguluhan sa Senate compound noong Mayo 13.