Calendar

Oras na para puksain ang online gambling
MULA sa pagiging simple’t maginhawang paraan ng pagbabayad, ang mga e-wallet applications ay unti-unting nagiging “entry point” ng maraming Pilipino sa mapanirang mundo ng online gambling.
Dahil sa madaling access, kawalan ng regulasyon, at agresibong promosyon, dumarami ang kabataang nalululong, mga pamilyang nauubos ang ipon, at ang mga indibidwal na nalulubog sa utang.
Ayon sa isang pag-aaral ng Asian Journal of Gambling Issues and Public Health (2023), ang pagtaas ng potensyal para sa addiction ay mas mataas sa online gambling kumpara sa traditional gambling dahil sa 24/7 accessibility, anonymity, at instant gratification nito.
Sa Pilipinas, lalo itong lumaganap matapos ang pandemya, kasabay ng pagsirit ng mobile wallet usage.
Sa mga nakalipas na Senate hearings, ilang testigo ang umaming nalubog sa utang ng daan-libong piso dahil sa e-sabong at iba pang online games of chance na accessible sa pamamagitan ng mga digital platforms. Dahilan kung bakit ang iba sa mga lulong sa utang ay nagpapakamatay dahil sa online gambling at sa pressure na makabayad.
Ang Department of Health o DOH naman ay nakapagtala ng pagtaas sa mga kasong may kaugnayan sa mental health conditions tulad ng depression at anxiety, kaugnay ng online gambling.
Bagamat hindi pa sapat ang lokal na datos, sa international scale, ang World Health Organization (WHO) ay nagbabala na ang “gambling disorder” ay isang clinically recognized mental health condition.
Kaya’t di na nakapagtatakang kabi-kabila na ngayon ang mga panukalang batas sa Kongreso at Senado para putulin ang koneksyon ng mga Pilipino sa online gambling.
Ilan sa mga ito ay ang panukalang inihain sa Kamara na na “Anti-Online Gambling Promotions in E-Wallets” na naglalayong ipagbawal ang pag-redirect ng e-wallets sa gambling platforms at pag-display ng gambling ads.
Lumabas din sa Senado ang panukala ni Senator Win Gatchalian na layong pagbawalan ang access ng mga menor de edad at obligahin ang operators na magtayo ng rehabilitation programs.
Kasunod nito ang paghain ni Senator Alan Peter Cayetano ng “Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025” na naglalayong ipagbawal ang lahat ng anyo ng promosyon, marketing, at advertisement ng online gambling sa bansa.
Nawa’y mapuksa ng mga panukala na ito ang pwersa ng online gambling dahil kung hindi, mas maraming Pilipino ang malululong sa pangarap na isang pindot lang, baka suwertehin.