oreta Pinagkunan: Wikipedia

Oreta, atbp. kinasuhan sa Ombudsman

270 Views

NADEMANDA ng plunder o pagnanakaw ng pera ng bayan sa Office of the Ombudsman kamakailan si Malabon City Mayor Antolin Oreta dahil sa diumanong ilegal na paggamit ng pondo ng City of Malabon University (CMU) na nagkakahalaga ng P69 milyon.

Isang taga-Malabon, si Dennia Garcia Padua, ang naghain ng reklamo laban kay Oreta at sa mga taga-sangguniang panlungsod (city council) ng Malabon, at sa mga taga-Lupon ng mga Rehente (Board of Regents) ng CMU.

Ang kasalukuyang pangulo ng CMU ay si Melissa Oreta, asawa ni Oreta. Si Melissa ay isang dalubhasang kusinera bago siya naging bahagi ng CMU.

Ayon sa nasabing reklamo, ginamit nina Oreta, atbp. ang salaping P69 milyon na linaan o itinabi ng Republic Act No. 10687 para sa budget ng United Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFAST sa Malabon, sa ibang gastusin.

Ang budget ng UniFAST ay dapat gugulin lamang para sa mag-aaral ng CMU na mahirap lang at nangangailangan ng tulong pinasiyal sa pamahalaan, ngunit matalino naman at masipag mag-aral.

Sabi sa reklamo, ginamit nina Oreta, atbp. ang nasabing halaga sa pambayad ng sahod at sa iba pang mga kung-anu-ano.

Sinaad ni Padua sa kanyang reklamo na ang paggugol nina Oreta, atbp. sa budget ng UniFAST para sa mga gastusing walang pahintulot sa ilalim ng Republic Act No. 10687 ay labag sa Artikulo Blg. 220 ng Kodigo Penal o Revised Penal Code. Sinabi rin sa reklamo ni Padua na ang ilegal na paggastos ng nasabing budget ay krimen na plunder sa ilalim ng Republic Act No. 7080.

Inireklamo rin ni Padua na lumabag din sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Oreta, atbp. dahil linuklok nila sa Lupon ng mga Rehente ng CMU ang dalawang kasaping hindi karapat-dapat umupo sa nasabing lupon. Sa ilalim ng nasabing batas, bawal magluklok sa pamahalaan ng isang taong walang ganap na karapatan o kagalingang maging bahagi ng pamahalaan.

Kasama sa reklamo ni Padua ang paglagay ni Mayor Oreta sa kanyang asawa bilang pangulo ng CMU. Anya ni Padua, bawal gamitin ni Mayor Oreta ang kanyang kapangyarihang bilang mayor upang mabigyan niya ang kanyang asawa ng trabaho sa CMU o kahit na anung pwesto sa ilalim ng pamahalaang lungsod ng Malabon. Ang nasabing pagbabawal ay nakasaad sa Administrative Code of 1987.

Ang paglabag sa mga tinalakay na mga batas ay mayroong kaukulang parusang pangmatagalang pagkabilanggo.

Sinama ni Padua sa kanyang reklamo ang ordinansiyang ginawang negosyo ang CMU. Ang Malabon City Council ang pasimuno ng nasabing ordinansiya, at ito ay aprubado ni Mayor Oreta.

Si Antolin Oreta ay magbibitiw na bilang mayor sa Hunyo 2022. Inaasahan niya na hahalili sa kanya ang kanyang kapatid.

Sunusuportahan din ng Aquino-Oreta political dynasty ang kandidatura ni Leni Robredo sa pagka-pangulo.

Tumugon si Mayor Oreta at sinabi niyang pinupulitika siya ng mga kalaban niya sa lungsod.