Calendar

Ortega: House prosecution panel handa na sa impeachment trial
MULING inihayag ni re-elected La Union Rep. Paolo Ortega V na handa na ang House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at umaasa na matutuloy na ang pagsisimula ng paglilitis sa Agosto 4.
“Well, sabi ko nga consistent naman tayo, sabi ko nga it’s in the hands of the Senate,” ani Ortega, isa sa mga pinuno ng House Young Guns, bilang tugon sa tanong tungkol sa paglipat ng schedule ng paglilitis sa Agosto 4 mula sa Hulyo 30.
“Scheduling, the different schedule changes, may mga ganoon naman na mangyayari eh, so may mga unpredictable tayong scenarios,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin niya na susunod ang Kamara sa magiging kumpas ng Senado ukol sa usapin.
“If they maintain the calendar, their schedule, okay naman with the House of Representatives ‘yon. Kasi nga parehong… I think prosecution is also waiting for this. Ang taong-bayan naghihintay din,” dagdag ni Ortega.
Nauna nang tiniyak ng House prosecution panel ang kahandaan nitong ipresenta ang mga Articles of Impeachment na ipinasa sa Senado, Pebrero ngayong taon.
Iginiit ni Ortega na habang may mga inaasahang pagbabago, ang mahalaga ay magsimula na ang mga pagdinig.
“To take it more lightly, siguro, there may be a formal schedule and formal communication … But definitely, we will take the lead of the Senate for this one,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa pahayag ni VP Duterte na handa siyang humarap sa impeachment court, nanatili si Ortega sa gitna ngunit binigyang-diin ang kahalagahan ng kahandaan.
“‘Yung defense team niya is probably on top of it, so ika-calendar na lang nila ‘yun. Malamang ite-text siya. Tapos dapat ready na rin sila by then,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, mayroon nang sapat na panahon para makapaghanda ang parehong panig.
“Dapat siguro mag-push na rin ‘yung date na ‘yun. At sabi ko nga abangan natin kung magkakaroon ng changes. But prepped naman na. I’m sure both sides are prepped. Calendar lang sa phone, text siya na ito ‘yung dates ng schedule natin, so, gano’n lang prepare for both sides,” aniya.
Binigyang-diin din ni Ortega na maging ang Senado ay nagkaroon na ng sapat na panahon para makapaghanda sa impeachment trial.
“Actually, the Senate should prepare also kasi pinaghandaan na rin naman nila. May bagong Congress na rin,” aniya.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya para sa publiko, sinabi ni Ortega na dapat ikatuwa ng taumbayan ang lumalawak na interes sa proseso.
“Sabi ko nga, naalala n’yo no’ng time na nag-presscon ako, ‘yung study pa more? Naalala n’yo ‘yung time na ‘yun? After that, nanatiling buhay ‘yung talks ng impeachment, nanatiling buhay ‘yung usapan ng impeachment,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalaga ang ganitong antas ng pakikilahok para sa pagiging buhay ng demokrasya.
“‘Yun ang gusto ng taong-bayan, ‘yung engaged sila, alam nila ‘yung mga nangyayari. Pero hangga’t hindi na-open up ‘yung trial, hindi nag-uumpisa ‘yung trial, war of opinions lahat itong mga nangyayari sa atin,” sinabi ni Ortega.
Ani Ortega, mananatiling haka-haka at puno ng pagkakaiba-iba ng panig ang usapan sa publiko hangga’t hindi pa nagsisimula ang pagdinig sa Senado.
“Giyera ng opinyon ito. Why will we argue with an opinion? Bakit tayo makipagdebate sa iba’t ibang opinyon ng iba’t ibang tao, iba’t ibang actors?” pahayag ni Ortega.