Ortega1

Ortega kay VP Sara: Humarap ka sa Kamara

Mar Rodriguez Apr 21, 2026
25 Views

SINUSUBUKAN ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco “Paolo” Ortega V kung totoong matapang si Vice President Sara Duterte kung dadalo ang huli sa susunod na pagdinig ng House Committee on Justice.

Binigyang diin ng House Deputy Speaker na bilang pagsubok sa kredibilidad ni VP Sara, iginigiit niya na sa halip na “mag-no-show” si Duterte dapat magpakita ito sa pagdinig, manumpa under-oath at pumirma ng bank waiver sa Abril 22.

Dapat direktang sagutin ng VP ang mga akusasyon na ibinabato ng resource person na si Ramil Madriaga laban sa kanya kaugnay sa isyu ng korapsyon.

Ang panawagan sa Pangalawang Pangulo na dumalo sa pagdinig ng Komite ay matapos mapakinggan ang mga testimonya ni Madriaga noong nakaraang Abril 14 at pumirma ng bank waiver para patotohanan ang kaniyang mga pahayag.

Inilarawan ng Justice Committee si Madriaga bilang “key witness” at maaaring pang maging “star witness” sa oras na umarangkada na sa Senado ang pagsisimula ng impeachment trial laban sa VP.

“Ang kailangan ng publiko ngayon sa impeachment hearing ay under oath para sa katotohanan at hindi “no-show,” sabi ng mambabatas.