Ortega

Ortega: Mukhang “ampaw” ang pre-trial brief ng depensa — malaki sa papel, kulang sa laman

27 Views

SINABI ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Huwebes na tila may simpleng problema ang pre-trial brief na inihain ng legal team ni Bise Presidente Sara Z. Duterte—isang problemang madaling mapansin ng karaniwang Pilipino.

“Sa Ilocos, iisa ang tawag namin diyan: ampaw. Malaki tingnan. Magaang hawakan kasi nga halos walang laman,” ani Ortega.

Ginawa ni Ortega ang pahayag matapos suriin ang pre-trial brief ng depensa na inihain sa Senate Impeachment Court.

“Pitumpu’t dalawang pahina. Mahigit isang daang testigo. Daan-daang dokumento. Sa unang tingin, parang napakatibay. Pero kapag hinanap mo na ang aktuwal na depensa, doon nagsisimulang lumitaw ang problema,” ani Ortega.

Ayon kay Ortega, malaking bahagi ng dokumento ay tila binubuo ng mga testigo at dokumentaryong ebidensiya na nauna nang tinukoy ng prosekusyon.

“Simple ang tanong. Kung kopya ang mga testigo, kopya ang mga dokumento, at kopya ang ebidensiya, nasaan ang depensa?,” tanong niya.

Sinabi ng Deputy Speaker na hindi man abogado ang karaniwang Pilipino, mayroon silang sapat na sentido kumon upang makita kung ang isang dokumento ay mahaba ngunit hindi naman nagbibigay ng makabuluhang sagot.

“Hindi naman pahabaan ng dokumento ang laban. Hindi naman paramihan ng pahina. Ang tanong ng taumbayan ay simple: Nasaan ang sagot?” ani Ortega.

Dagdag pa niya, nag-iiwan ng impresyon ang dokumento na mas nakatuon ito sa pagpapakita na may laman kaysa sa aktuwal na pagbibigay ng malinaw na tugon sa mga paratang.

“Parang estudyanteng pinahaba ang essay para magmukhang marami ang naisulat. Pero kapag binasa mo nang mabuti, paikot-ikot lang pala,” ani Ortega.

Binigyang-diin ng mambabatas na napakahalaga ng impeachment upang gawing usapin lamang ng anyo o pagpapakita.

“Ang pinag-uusapan dito ay pera ng bayan. Ang pinag-uusapan dito ay tiwala ng bayan. Ang pinag-uusapan dito ay pananagutan ng isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa. Hindi puwedeng ampaw,” aniya.

Ayon kay Ortega, nararapat sa Senate Impeachment Court at sa sambayanang Pilipino ang isang direkta at malinaw na paglalahad ng mga katotohanan.

“Kung may depensa, ilatag. Kung may paliwanag, sabihin. Kung may sagot, ibigay. Huwag nating itago sa likod ng napakaraming pahina na wala namang malinaw na direksiyon,” diin niya.

Tinapos ng Deputy Speaker ang kanyang pahayag sa pagsasabing walang dami ng dokumento ang maaaring pumalit sa tunay na laman o substansiya.

“Sa huli, hindi pahabaan ng dokumento ang huhusgahan ng taumbayan. Ang huhusgahan nila ay kung may laman ba o wala. At sa ngayon, maraming Pilipino ang nagtatanong kung bakit parang mas maraming papel kaysa paliwanag,” ani Ortega.