Senate

OSAA: CCTV system ‘fully operational’

11 Views

ITINANGGI ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms ang mga pahayag na walang available na CCTV footage mula sa ikalawang palapag ng Senate building kaugnay ng insidente ng pamamaril noong Mayo 13 na kinasangkutan ng OSAA personnel at mga operatiba ng National Bureau of Investigation.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Acting Sergeant-at-Arms PMGen. Ma. O R Aplasca PNP (Ret.) na “fully operational” ang CCTV system na sumasaklaw sa mga lugar na may kaugnayan sa insidente.

“For the record, the CCTV system covering the concerned areas of the Senate premises was fully operational during the incident,” ayon sa OSAA.

Sinabi ng OSAA na pormal nitong natanggap noong Mayo 14 ang opisyal na kahilingan mula kay PCOL John K. Guiagui ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit-National Capital Region para sa mga kopya ng CCTV footage na may kaugnayan sa iniulat na insidente sa loob ng Senado.

Ayon sa tanggapan, boluntaryo nitong ibinigay sa PNP-CIDG RFU NCR ang hinihinging footage sa parehong araw bilang pagtugon sa kahilingan at pakikiisa sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Sinabi ng OSAA na isinagawa ang extraction at turnover ng CCTV recordings sa pakikilahok at technical coordination ng mga awtorisadong tauhan ng PNP.

Ayon sa tanggapan, mayroon ding certifications at acknowledgment receipts na nilagdaan ng tumanggap na PNP personnel upang kumpirmahin ang pagtanggap ng CCTV copies mula sa DVR 2 CCTV Cam 8 at DVR 8 CCTV Cams 7 and 8 na sumasaklaw sa mahalagang panahon ng insidente.

Sinabi ng OSAA na pinagtibay sa certifications na ang ibinigay na CCTV footage ay authentic, original, unaltered, at direktang kinuha mula sa opisyal na Senate CCTV system.

“These official records categorically disprove allegations that no CCTV footage existed or was made available to authorities,” ayon sa OSAA.

Sinabi ng tanggapan na ang pagkalat at paglalathala ng hindi beripikado at maling impormasyon ay maaaring makapanlinlang sa publiko at hindi kinakailangang makasira sa integridad ng nagpapatuloy na proseso ng imbestigasyon.

Iginiit ng OSAA na patuloy itong nakikipagtulungan sa mga lehitimong investigative bodies at hinimok ang publiko at media na mag-ingat, maging responsable at maging patas sa pagbabahagi at pag-uulat ng impormasyon.

Pinayuhan din nito ang publiko na umasa lamang sa beripikadong pahayag at opisyal na dokumento mula sa mga awtorisadong sangay ng pamahalaan.