Calendar
Ouster plot ni Duterte vs PBBM makasarili
GARAPALAN na ang panawagan ni dating Pangullong Rodrigo Duterte na patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, makasarili ang panawagan Duterte na patalsikin ang nakaupong pangulo para makaupo ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bersamin, nakagugulat ang garapalang panawagan ni Duterte sa sandatahang lakas na maglunsad ng kudeta laban kay Pangulong Marcos.
Hindi makapaniwala si Bersamin na aabot ang dating pangulo sa pang-iinsulto sa pagiging propesyunal ng Armed Forces of the Philippines na hilinging magtaksil ang mga ito para lamang magtagumpay ang kanyang plano.
Iginiit ni Bersamin na dapat igalang ni Duterte ang Konstitusyon at tumigil na ito sa pagiging ireponsable.
Hindi anya katanggap-tanggap ang marahas na pang-aagaw ng kapangyarihan para madaling maluklok bilang pangulo sa pamamagitan ng pagpaslang, panggugulo at pag-aalsa.
Hirit ni Bersamin sa mga ito, maghintay sa tamang panahon at sumunod sa tamang pamamaraan.
Iginiit naman ni Bersamin na hindi matitinag ang administrasyon sa sinumpaang tungkulin na pamunuan ang bansa nang naaayon sa Konstitusyon at sa Rule of Law,
Ipagtatanggol aniya nito ang kanilang legacy sa mga Filipino sa ligal na paraan.
Kaya naman kikilos ang estado laban sa anumang iligal na pagtatangka at mga hamon.