Martin1

Oversight function gagamitin ng Kamara para matiyak maayos na paggamit sa 2024 budget

Mar Rodriguez Jan 22, 2024
113 Views

NGAYONG tapos na ng Kamara de Representantes ang halos lahat ng panukala na kailangan nitong aprubahan, gagamitin nito ang oversight function upang matiyak na tama ang paggastos sa 2024 national budget, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Hindi lamang tayo gumagawa ng batas. Ayon sa ating mandato, sinisigurado rin natin na naipapatupad ang mga batas na ito nang wasto at patas. Tinitiyak natin na bawat batas na ipinapasa natin ay may direktang pakinabang sa ordinaryong mamamayan,” ani Speaker Romualdez sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon.

Sinabi ni Speaker Romualdez na tutulong ang Kamara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbabantay sa mga programa at proyekto na popondohan ng 2024 national budget, kasama na ang ayuda para sa mga mahihirap, magsasaka, at mangingisda.

“Sa mga susunod na araw at buwan, ilalarga ng administrasyon ang malalaking programa para mabigyan ng ginhawa ang ating mga mamamayan sa harap ng inflation na nagaganap ngayon sa buong mundo,” sabi ni Speaker Romualdez na ang tinutukoy ay ang P500 bilyong halaga ng ayuda para sa may 12 milyong mahihirap at low-income na pamilya.

Sinabi ni Speaker Romualdez na isinama ng Kongreso sa budget ang bagong programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita.

Sa ilalim ng AKAP bibigyan ng direct one time cash assistance ang mga ‘near poor’ o pamilya na kumikita ng hindi hihigit sa P23,000 kada buwan. Nasa 12 milyong pamilya ang inaasahang makikinabang dito.

“Lahat ng programang ito ay nilagyan natin ng sapat na pondo dito sa Kongreso. Tulungan natin ang Pangulo para matiyak na bawat sentimo sa mga programang ito ay makakarating sa lahat ng distrito – mula sa mga siyudad hanggang sa mga baryo,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Bukod sa paggawa ng mga panukalang batas, sinabi ni Speaker Romualdez na naipakita ng Kamara ang pagnanais nito na mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino gamit ang kanilang oversight function.

“We scrutinized government operations by conducting legislative inquiries in aid of legislation. We engaged our counterparts in the executive department in open and honest discussions, gathered reliable information and offered immediate recommendations,” sabi nito.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Speaker Romualdez na nagsagawa ng joint hearing ang committees on ways and means, on senior citizens, at special committee on persons with disabilities kaugnay ng mga reklamo sa hindi pagsunod sa pagbibigay ng diskwento para sa mga senior citizens, persons with disability (PWD) at solo parents.

Sa ilalim ng batas, ang mga senior citizen ay mayroong 20% diskwento sa gamot, piling pagkain, at iba pang mahalagang bilihin bukod pa sa 12% value
added tax exemption.

Sa pagdinig, sinabi ng coffee chain Starbucks na hindi nito itinuloy ang “one food item, one beverage” limit sa kanilang binibigyan ng senior citizen discount.

Sa susunod na pagdinig ng komite ay sisilipin naman ng komite ang paglimita ng isang kompanya sa isang slice ng cake sa binibigyan ng senior citizen discount.

Bukod dito, inimbestigahan din ng Kamara ang ginagawa umanong recycling ng ipinagbabawal na gamot ng mga alagad ng batas; pagbili ng body camera ng pulisya, mass grave sa maximum security compound ng New Bilibid Prisons; power outage sa Western Visayas; at iregularidad at korupsyon umano sa implementasyon ng public utility vehicle modernization program.

Sinabi ni Speaker Romualdez na natapos na ng Kamara ang lahat ng 17 panukala na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 2023.

Ang lahat ng 20 panukala na napagkasunduan na ipasa ng Legislative-Executive Development Advisory Council bago natapos ang 2023 ay natapos din ng Kamara.

“Tapos po nating lahat ang assignment na ibinigay sa atin ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA noong isang taon. Tumupad din tayo sa kasunduan sa LEDAC para sa mga batas na kailangang ipasa ng Senado at House of Representatives,” sabi ni Speaker Romualdez.

“These are just but few of our notable accomplishments. The question that begs for a sincere response, however, is what additional measures could we do to better serve the Filipino people?” tanong nito.

Sa mga darating na araw ay ipagpapatuloy umano ng Kamara ang pagsilip sa mga batas at polisiya upang makatugon ito sa pangangailangan ng bansa.

“We need to strengthen the relevance and applicability of established laws and policies to align with existing conditions, including amendments to the Constitution, all for the benefit of the people and the economic prosperity of our nation,” dagdag pa nito.

Noong nakaraang linggo ay pinuri ni Speaker Romualdez ang naging hakbang ng Senado na pag-usapan ang panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution upang mas maraming dayuhang mamumuhunan ang pumasok sa bansa.

“It is critical that we facilitate the entry of foreign capital and direct investments into our economy. It is imperative that we reexamine the Constitution and carefully scrutinize pertinent economic provisions to eliminate the barriers that restrict potential growth,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Sa tulong ng Senate at lahat ng Pilipinong naghahangad ng pagbabago, matutupad na rin ang pangarap natin na mabuksan ang ekonomiya para makapasok ang pondong kailangan sa paglikha ng mas maraming negosyo, trabaho at kabuhayan ng mga Pilipino,” giit pa nito.

Inulit din ng lider ng Kamara ang panukala nito na gamitin ang Maharlika Investment Fund upang mapaganda ang power transmission grid ng bansa na kasalukuyang pinangangasiwaan ng National Grid Corp. of the Philippines.

“Everyone is aware of the recent power outages that nearly paralyzed Panay and Guimaras islands. This incident demonstrated the crucial role of our power infrastructure in ensuring energy security and sustainable development in the country,” sabi pa nito.

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa kanyang mga kasama sa record accomplishments at “monumental output” ng Kamara mula ng magsimula ang 19th Congress hanggang noong Disyembre 2023.

Kumpiyansa ang lider ng Kamara na magtutuloy=tuloy ang magandang performance na ito ng Kamara sa pagganap sa kanilang tungkulin.

“Let us now get back to work powered by optimism and excitement for a more responsive House of Representatives and a progressive Philippines,” sabi pa ni Speaker Romualdez.