sara

OVP may libreng sakay, pa-wifi

Jun I Legaspi Aug 4, 2022
267 Views

GAGAMITIN ng Office of the Vice President ang limang bus nito sa pagbibigay ng libreng sakay sa publiko.

Bukod sa libreng sakay, ang mga magiging pasahero ng mga bus ay makagagamit din ng libreng wifi.

Ayon kay Vice President Sara Duterte, dalawa sa mga bus ang bibiyahe sa Metro Manila at tig-isa sa Davao City, Cebu, at Bacolod.

Sa Metro Manila, ang biyahe ng bus ay mula alas-4 hanggang 10 ng umaga at 4 ng hapon hanggang 10 ng gabi mula Lunes hanggang Sabado. Dadaan ito sa dinaraan ng EDSA bus way.

Ang biyahe sa Mandaue City hanggang Jagobiao ay mula alas-7 hanggang 10 ng umaga, at 7 hanggang 10 ng gabi tuwing Lunes at Martes, Sa Cebu City ang biyahe mula SM Seaside hanggang IT park ay mula 6 hanggang 9 ng umaga at 4 ng hapon hanggang 8 ng gabi.

Ang biyahe naman sa Lapulapu City ay 6 hanggang 9 ng umaga at 4 ng hapon hanggang 7 ng gabi na magsisimula sa Mactan Econimic Processing Zone (MEPZ) 1.

Sa Bacolod City ang biyahe ng mga OVP bus ay mula 6 hanggang 10 ng umaga at 4 ng hapon hanggang 8 ng gabi maliban kung araw ng Sabado.

Ang biyahe naman sa Davao City ay mula 6 hanggang 9 ng umaga at 5 ng hapon hanggang 8 ng gabi. Ang biyahe tuwing Lunes at Martes ay sa Lasang area, tuwing Miyerkoles at Huwebes sa Toril at Biyernes at Sabado naman sa Calinan.

Pinangunahan ni Duterte ang paglulungsad ng “Peak Hours Augmentation Bus Service (PHABS)-Libreng Sakay” program ngayong Miyerkoles.

“We hope that through this program, we will be able to provide relief to some of our fellow Filipinos who rely on public transport for their daily commute to work, to school, and to many other places,” sabi ni Duterte sa seremonya ng paglulungsad ng programa na ginawa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Ang mga bus ay ipinagamit sa OVP subalit naisip ni Duterte na mas magiging kapaki-pakinabang ito kung gagamitin na para sa pagbibigay ng libreng sakay.

“Let me emphasize that this program is a demonstration of effective government and private sector collaboration,” dagdag pa ni Duterte.

Pinapatunayan umano ng programa na walang problema na hindi kayang solusyunan kung magkakaisa at magtutulungan.

Makakatuwang ng OVP sa programa ang Department of Transportation (DOTr).