1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez

OVP sumobra ipinasang liquidation report sa COA, resibong ginamit sa P23.8M gastos kinukuwestyon

177 Views

SA pagmamadali na matugunan ang pagkuwestyon ng Commission on Audit (COA) sa paggastos ng P23.8 milyong halaga ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP), sumobra umano ang kuwestyunable at kahina-hinalang resibo na isinumite nito upang bigyang katwiran ang ginawang paggastos.

“So, what you’re saying is they (OVP) exceeded in their liquidation reports?” tanong ni Rep. Joel Chua, chairman ng House of Representatives’ committee on good government and public accountability, kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez sa nadiskubre nitong 158 na kahina-hinalang resibo na isinumite ng OVP sa COA.

“Your guess is as good as ours. It could also be that these ARs (acknowledgment receipts) were belatedly prepared,” sabi ng kinatawan ng 1Rider Party-list na isang abogado.

Napansin ni Gutierrez na ang mga AR ay mayroong petsang Disyembre 2023 pero ginawa ang pagbabayad gamit ang confidential funds noong Disyembre 2022.

Isinumite ng OVP ang 158 ARs upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential fund.

“For 158 people to make the same mistake, is that something that would be acceptable? Is that an acceptable margin of error for COA?” punto ni Gutierrez.

“These are clear red flags in relation to the ARs submitted by the OVP, and this is something that we should consider (legislating),” dagdag pa ng mambabatas.

Inamin ng kinatawan ng COA sa pagdinig na si Gloria Camora na mayroong “inadvertence and typographical mistakes” na nagawa ang mga tauhan ng OVP batay sa mga isinumite nitong patunay ng paggastos.

“One of the findings under the COA notice of suspension is that some ARs were dated December 2023, and some were even undated. They (OVP) said they inadvertently contained clerical or typographical errors indicating 2023 instead of 2022,” ani Camora.

Hindi naman nakontento si Gutierrez sa nakuhang sagot at ipinunto ang “red flag” ng COA sa mga AR na sinabi nitong “spurious and bogus.”

“Didn’t you find it strange? Not really strange – it’s outright false for it to justify an expense for 2022 but the date is 2023,” sabi pa nito.

Tinukoy din ni Gutierrez ang isang AR na mayroong petsang Nobyembre 2022 gayong ang P125 milyong confidential fund ay lumabas noong Disyembre 2022. Ang naturang pondo ay ginastos sa loob ng 11 araw lamang noong Disyembre 2022.

Napuna rin ang pagkakapareho ng mga penmanship at kulay ng ballpen na ginamit na pansulat sa AR, gayundin ang pagkakapareho ng ilan sa mga signatories, gaya ng “AAS” at “JOV” na nakakuha ng kabuuang P280,000 at P920,000 bilang bayad sa biniling impormasyon ng OVP noong Disyembre 2022.

Si AAS ay nakatanggap ng P60,000 noong Disyembre 2022, P150,000 noong Pebrero 2023 at P70,000 sa ikatlong quarter ng kaparehong taon.

Si JOV naman ay nakatanggap ng P170,000 bilang “reward payment,” P250,000 para sa “supplies” at P500,000 para sa “medical and food aid.”

“More likely, this was the same mistake committed by perhaps a few persons. Which raises the question: Are these ARs spurious? Are they bogus? Are they false?” sabi ni Gutierrez.

“We want to make sure that this doesn’t happen again. Accountability should be had on this,” pahayag ng solon.

Sa 776 AR na isinumite, 302 ang hindi mabasa ang pangalan at lima ang naulit ang pangalang nagamit.

Tinanong din ni House quad committee senior vice chairman Romeo Acop ng ikalawang distrito ng Antipolo City si Camora, na siyang head ng intelligence and confidential funds audit office (ICFAO) ng COA, kung napansin nito ang pangalang Mary Grace Piattos sa isa sa AR.

Sinabi ni Acop na ang Mary Grace ay kapangalan ng isang restaurant at ang Piattos ay kapangalan naman ng isang brand ng potato chips.