P.3M shabu nakuha sa 3 naglalaro ng cara y cruz

Edd Reyes Nov 21, 2024
33 Views

NASAMSAM sa tatlong natyempuhang nagsusugal ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu nang mahuli sa aktong nagsusugal ng cara y cruz sa anti-criminality campaign ng pulisya noong Miyerkules sa Taguig City.

Sa halip na paglabag lang sa PD 1602 (Illegal Gambling), mas mabigat na kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin nina alyas Ricky, 48, alyas Raymond, 24 at alyas Aira 24, makaraang makuha sa kanila ang may 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, nahuli sa akto ng tatlo habang nagsusugal ng cara y cruz dakong alas-9:10 ng gabi sa Brgy. Rizal.

Unang nasamsam ng pulisya sa tatlo ang P573 bet money at P100 pot money, pati na ang tatlong barya na ginagamit na pangara, subalit nang kapkapan, nakuha pa sa kanila ang ilegal na droga na hinihinalang ginagamit sa magdamagang pagsusugal.

Sinabi ng mga pulis na nai-prisinta na sa Taguig City Prosecutor’s Office ang tatlo para sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin nilang mga kaso.