Calendar
P1.38T DepEd pondo itinuring na hakbang para sa pag-angat ng kailidad ng edukasyon
NAGKAISA sina Senators Paolo Benigno “Bam” Aquino, Kiko Pangilinan, at Sherwin Gatchalian sa pagsuporta sa ₱1.38 trilyong pondo ng Department of Education (DepEd) para sa 2026, na itinuturing nilang pinakamalaking hakbang tungo sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon at pagbawi sa learning losses ng mga mag-aaral.
Ayon kay Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, “ito ay isang tunay na education budget.”
Ibinida niya ang pagtaas ng pondo sa pagpapatayo ng mga silid-aralan mula ₱13.2 bilyon tungong ₱65.9 bilyon at sa feeding program mula ₱11.7 bilyon tungong ₱28.6 bilyon.
Binanggit niya na kung hindi agad maaaksyunan, posibleng lumobo sa higit 200,000 ang kasalukuyang kakulangan na 165,000 silid-aralan. Ipinaliwanag ni Aquino na ipatutupad ito sa ilalim ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act na nagpapahintulot sa DepEd na makipagtulungan sa mga LGU at pribadong sektor.
Hinimok din niya si Education Secretary Sonny Angara na magtakda ng price ceiling na ₱2 milyon kada silid upang mas maraming paaralan ang maitayo.
Ayon naman kay Pangilinan, chair ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, kailangang konektado ang pondo sa pagpapaunlad ng kanayunan. Sa kanyang “Libreng Pagkain” bill, iginiit niyang dapat manggaling sa mga lokal na magsasaka at mangingisda ang mga pagkain sa feeding program.
“Kapag direktang bumibili tayo sa ating mga magsasaka, sabay nating pinapakain ang mga bata at pinapalakas ang ating ekonomiya,” aniya. Binigyang-diin naman ni Gatchalian, chair ng Senate Committee on Finance, na mahalaga ang maayos na paggamit ng pondo. “What matters is effective utilization,” aniya.
Dapat aniyang matiyak na bawat piso ay direktang mapupunta sa mga mag-aaral at hindi masasayang sa maling paggugol o mabagal na proyekto. Batay sa datos ng pamahalaan, aabot sa apat na porsiyento ng GDP ng bansa ang ilalaan sa edukasyon — ang pinakamataas sa kasaysayan.
Kabilang dito ang ₱44.6 bilyon para sa imprastruktura, na sasaklaw sa halos 4,900 bagong silid-aralan, pagkukumpuni sa 9,400, at elektripikasyon ng mahigit 400 paaralan sa buong bansa.
Binigyang-diin ng tatlong senador na dapat masukat ang tagumpay ng pondo — sa mas mataas na literacy at numeracy rate, mas kaunting batang malnourished, at mas mabilis na pagresolba sa kakulangan sa silid-aralan.
“Ito pong budget na ito, ito po ang simula,” wika ni Aquino. “Basta pinagtutulungan natin para sa ating kabataan, maaabot po natin iyong pangarap natin para sa kanila.”

