Pagcor

P100M ipinagkaloob ng PAGCOR para sa sports, research hub sa Ilocos Norte

22 Views

NAGKALOOB ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng P100 milyong pondo sa Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte para sa pagpapatayo ng isang makabago at world-class na pasilidad para sa sports at research.

Ginanap ang ceremonial turnover noong Hunyo 20, kung saan personal na iniabot ni Casino Filipino Ilocos Norte Branch Manager Danilo Tejano ang grant kay Senior Board Member Rafael Medina, na tumanggap sa ngalan ni Governor Matthew Marcos Manotoc.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, inaasahang makikinabang sa proyekto ang maraming henerasyon ng mga atleta sa rehiyon, habang pinalalakas ang grassroots sports development sa Hilagang Luzon.

“This project will not only uplift our athletes but will also inspire future generations and strengthen Ilocos Norte’s capacity to craft sustainable world-class sports programs,” ani G. Tengco.

Ang grant ay gagamitin para pondohan ang Ilocos Norte Sports Institute and Research (INSPIRE) Training Development Center and Dormitory, isang flagship project ng probinsya na may kabuuang halaga na P400 milyon.

Kapag natapos, ang INSPIRE complex ay inaasahang magiging sentro ng training, research, at tirahan para sa mga bata at propersyunal na atleta mula sa Ilocos Norte at mga karatig-probinsiya.

Layon ng proyekto na palakasin ang mga homegrown talent na puwedeng isabak sa mga kompetisyon sa bansa at sa abroad.

Ayon sa PAGCOR, ang proyekto ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng ahensya na suportahan ang edukasyon, sports, at iba pang nation-building programs sa buong bansa.