Ferdinand R. Marcos Jr.

P12.7B ayuda sa magsasaka aprub kay PBBM

Neil Louis Tayo Oct 1, 2023
310 Views

INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas ng P12.7 bilyon para sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program upang matulungan ang mga maliliit na magsasaka na maparami ang kanilang produksyon.

Ayon sa Pangulo makatutulong ang ayuda sa mga magsasaka sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon at inaasahang epekto ng El Niño phenomenon.

Sa ilalim ng RFFA, natukoy ng gobyerno ang 2.3 milyong maliliit na magsasaka na nangangailangan ng tulong. Nakarehistro ang mga ito sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-P5,000 cash assistance na kukunin mula sa kinita ng gobyerno sa buwis na ipinataw sa imported na bigas noong 2022.

Ang RFFA ay para sa mga magsasaka na ang sinasaka ay dalawang hektarya pababa. Ito ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11598, o ang Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2021.

Inaprubahan din ng Pangulo ang paggamit ng P700 milyong sobrang taripa para sa “Palayamanan Plus” conditional cash transfer sa ilalim ng Household Crop Diversification Program.

Ang Palayamanan Plus ay mayroong 78,000 benepisyaryo na makatatanggap ng tig-P10,000 bawat isa.

Ang dalawang financial assistance program ay suporta sa Masagana Rice Industry Development Programs (MRIDP) ng gobyerno.