Valeriano

P125M confi fund kaya pang habulin — Valeriano

Mar Rodriguez Dec 12, 2024
63 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na kaya pang habulin at mahanap ang nawawalang P125 milyon-pisong confidential fund ni Vice President Inday Sara Duterte sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa kabila ng naging pahayag ng kapwa nito kongresista na mahirap ng ma-trace kung kaninong bulsa talaga napunta ang kontrobersiyal na pondo.

Sabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na naniniwala parin siya sa theorya ng “walang perpektong krimen” kung kaya’t sa kahuli-hulihan ay maaaring mahabol at ma-trace kung sino-sino ang mga nakinabang o nagpiyesta sa milyon-pisong Confidential Fund.

Pagdidiin ni Valeriano sa panayam ng People’s Taliba na maraming pamamaraan upang ma-trace kung sino ang nag-withdraw ng pera, saan ginamit at kung sino ang tumanggap ng Confidential Fund at kung ano ang mga pinagka-gastusan sa pamamagitan ng paper trail at CCTV camera ng bangko.

“Ako duon parin ako sa theory na there is no perfect crime. Naniniwala ako na mayroon paring paper trail kaya talagang hindi nila ito malulusutan kahit ano pang pagtatakip ang gawin nila. Maraming paraan para mahabol ang P125 milyong Confidential Fund. Malalaman at malalaman kung sino-sino ang mga nakinabang dito. Maghintay lang sila. Walang lihim na hindi mabubunyag,” sabi ni Valeriano sa panayam ng Taliba.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi pa naman talaga tuluyang natatapos ang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability o ang Blue Ribbon Committee ng Kamara de Representantes. Kaya maaari pang kalkalin ng Komite kung saan naroroon o nakaninong bulsa ang hinahanap na Confidential Fund.

Ayon pa kay Valeriano, kaunting ebidensiya na lamang ay unti-unti na nilang matutuklasan kung nakaninong bulsa ang Confidential Fund sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Blue Ribbon Committee sa susunod na taon o sa pagpasok ng 2025.

“Kaunting ebidensiya na lamang at unti-unti na nating matutuklasan kung nasaan ang pondong ito. Halos naroon na tayo eh. Maraming way para iyan ay makita kung nasasaan. Ang sabi ko nga eh there is no perfect crime kaya talagang wala silang maitatago, iyan ang tututukan namin sa susunod na taon,” sabi pa ni Valeriano.