Quimbo

P15.5B advance payment ng PhilHealth sa mga ospital pinakakalkal ng mambabatas

Mar Rodriguez May 29, 2024
124 Views

NAIS ng mga mambabatas na magkaroon ng malalim na imbestigasyon sa P15.5 bilyong advance payment na ibinigay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital sa ilalim ng kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) program.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Miyerkoles, sinilip ng mga kongresista ang legalidad at pagiging transparent ng IRM program, na ipinatupad ng Duterte administration.

Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas mayroong mga alegasyon na nauwi lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ang pondong inilabas ng PhilHealth.

“Ang allegation ay P15.5 billion na binulsa umano ng PhilHealth officials through fraudulent schemes? Pinautang sa mga negosyante and hospital owners itong budget na ito para sana sa emergency fund para sa mga natural disasters? Meron na rin ba na naging liable baka maaari na nating makuha ang report nila?” sabi ni Brosas.

Pinuna rin ni Brosas ang pagkabigo ng kinatawan ng PhilHealth na sagutin ang lahat ng mga katanungan kaugnay ng programa na ipinatupad ng nakaraang administrasyon. “Dapat may institutional memory ang ating PhilHealth, ‘di ba? Kaya nga natin sila pinapatawag kasi gusto naman natin itahi ang mga nangyari noong nakaraan hanggang ngayon. ‘Yung mga issues na ‘yan, they will hound us,” sabi ni Brosas.

Kinuwestyon din ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang legalidad ng paggamit ng pondo ng PhilHealth para maging kapital ng mga pribadong ospital at ospital ng gobyerno.

“Ano ba ang ginawa? Ang ginawa noong nakaraang administrasyon, ginamit ang pera ng PhilHealth. Ang pera ng PhilHealth hindi ‘yan government funds. Pondo ‘yan ng mga miyembro ng PhilHealth because it’s an insurance mechanism,” punto ni Garin.

Pagpapatuloy nito, “The first question here, was it legal? And I believe, Madam Chair, that is something this committee should look into kasi dapat iniingatan ng PhilHealth (ang pondo ng mga miyembro).”

Kinuwestyon din ni Appropriations panel vice chair Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo kung papaano pinili ang mga ospital na binigyan ng pondo mula sa IRM program.

“Nagkaroon din tayo ng initial findings na ang pagpili ng facilities na nakatanggap ng IRM ay tila walang naging connection sa COVID patterns. So sino, paano pinili ang facilities na ito?” tanong ni Quimbo.

Ipinatupad ang IRM program sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. “Kung hindi tayo masasagot ng current officials ng PhilHealth, maybe we will be enlightened kung ipatawag natin ang previous officials,” suhestyon ni Brosas.

Kinumpirma ng PhilHealth na ang pangulo at CEO ng ipatupad ang IRM ay si Ricardo Morales, isang retiradong Army general.

Sa mosyon ni Garin, inutusan ng komite ang PhilHealth na isumite ang mga dokumento kaugnay ng IRM. “PhilHealth should provide this committee with all the pertinent documents including minutes of all the meetings conducted related to the conceptualization up to the implementation of the interim reimbursement mechanism,” sabi ni Garin.

Hiniling din ng komite sa PhilHealth na isumite ang pangalan ng mga opisyal na kasali sa paglikha ng programa. Nagsasagawa ng pagdinig ng komite upang malaman kung papaano ginastos ng mga ahensya ang pondo na inilaan sa kanila ng Kongreso.

“This hearing is to ensure the efficiency, effectiveness, and accountability of the national government and all its agencies in the authorized appropriations by Congress as provided under Section 29, Article 6 of the 1987 Constitution,” sabi ni Quimbo.