Navy Narekober ng Philippine Navy ang hinihinalang ilegal na droga na palutang-lutang malapit sa Sabina Shoal. Source: Philippine Navy FB

P19.2M HALAGA NG KUSH NABAWI SA WEST PHILIPPINE SEA

Alfred Dalizon Oct 21, 2025
306 Views

PORMAL na tinanggap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan Provincial Office ang 32 clear at black plastic bags na naglalaman ng tinatayang 16 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana kush noong Lunes.

Ang kontrabando na nagkakahalaga ng P19.2 milyon ay narekober ng Western Naval Command sa pamamagitan ng Naval Task Force 41, habang nagsasagawa ng operasyon sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa report ng PDEA na pinamumunuan ni Director General, Undersecretary Isagani R. Nerez.

Batay sa paunang ulat mula sa Maritime CAFGU Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-West), natagpuan ang mga ilegal na droga na palutang-lutang malapit sa Sabina Shoal noong Oktubre 17.

Agad na inatasan ng Naval Task Force 41 ang PG-902 upang magsagawa ng search and retrieval operation sa kahina-hinalang itim na bag na natagpuan sa nasabing lugar.

Alinsunod sa itinatakdang mga proseso, pormal na isinagawa ang turnover ng mga nakuhang item sa PDEA Palawan ng Provincial Intelligence Unit–Palawan Police Provincial Office para sa wastong disposisyon.

Sinimulan na ng PDEA Palawan ang pagsusuri, field testing at opisyal na imbentaryo ng mga nakumpiskang droga, habang isinasagawa na rin ang mga kaukulang hakbang para sa tamang disposisyon.

Muling pinagtitibay ng mga awtoridad ang kanilang paninindigan sa pagsugpo sa ilegal na droga at pagpapatibay ng maritime interdiction operations, lalo na sa mga sensitibo at liblib na bahagi ng karagatang sakop ng bansa tulad ng WPS.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagsasagawa ng regular na maritime patrol ang Philippine Navy sa bahagi ng Sabina Shoal nang makita ng mga sundalo ang itim na duffle bag na lumulutang sa karagatan.

Nang ito ay siyasatin, natuklasang naglalaman ito ng 32 heat-sealed plastic packs ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana kush na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 16 kilo.

Ang mga narekober na ebidensiya ay agad na dinala sa pasilidad ng Philippine Navy sa 2LT Lagare Pier, Tidepole, Barangay Masipag, Puerto Princesa City, kung saan isinagawa ang dokumentasyon at imbentaryo sa koordinasyon ng PDEA Palawan Provincial Office, at nasaksihan ng mga opisyal ng barangay at kinatawan ng media.

Ang mga nakumpiskang item ay dadalhin sa Police Regional Office 4B Palawan Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri at tamang disposisyon.

Pinuri ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga ahensiya sa operasyon.

“Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng ating pagkakaisa at patuloy na pagbabantay laban sa pagpasok ng ilegal na droga sa ating bansa,” ani Nartatez.

“Ito ay malinaw na patunay ng sama-samang pagkilos ng mga tagapagpatupad ng batas upang mapangalagaan ang seguridad ng ating bansa at mapanatili ang integridad ng ating mga karagatan,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, ang tagapagsalita ng PNP, mananatiling matatag ang ugnayan ng PNP sa mga katuwang na ahensiya.

“Patuloy nating palalakasin ang koordinasyon sa Navy at PDEA upang mapangalagaan ang seguridad ng ating karagatan laban sa ilegal na droga. Hindi natin hahayaang magamit ng mga sindikato ang ating mga karagatan bilang ruta ng ilegal na droga,” ayon sa opisyal.