Rice Source: File photo

P2.83B kontrabando nakumpiska ng DA

Cory Martinez Mar 15, 2025
16 Views

NAKAKUMPISKA ang Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAEI) unit ng P2.83 billion na halaga ng mga kontrabando dahil sa pinalakas na operasyon laban sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultura.

Sa ulat ni DAEI head Undersecretary Carlo Carag kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., umabot sa 71 na operasyon ang isinagawa ng DAEI noong 2024.

Sinabi ni Carag na ang pinakamalaking kontrabando na nakumpiska sa unang border inspection ng imported ng bigas nagkakahalaga ng P1.9 billion.

Sinundan ito ng nakumpiskang mga produktong isda na may kabuuang halaga na P316.4 million.

Ang naipasa kamakailan na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang nagbibigay sa DA ng dagdag na hakbang upang malabanan ang smuggling na nagpapahina sa kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at nagiging banta sa kalusugan ng publiko.

Kabilang sa mga mahalagang operasyon at 11 inspections na ginawa sa pagitan ng Enero 19 at Hunyo 5 ang pagkakadiskubre ng libu-libong tonelada ng imported rice.

Nakagawa ang importer ng ilang shipments sa loob ng limang buwan na umabot sa 32,825 metriko tonelada ng bigas, na batay sa tax assessment kailangang magbayad ng P285.3 million sa buwis at taripa.

Sa lahat ng pagsisikap na ito, katuwang ng DAIE ang tulong ng ibang ahensya ng DA tulad ng Bureau of Plant Industry, Bureau of Animal Industry at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources .

Ang iba pang mahalagang operasyon ang napigilang recycling ng 90.2 metriko tonelada ng condemned meat o karne na nagkakahalaga ng P74.9 million para gamiting pagkain ng isda.

Noong Setyembre sa pamamagitan ng pinagsama-samang aksiyon, nakumpiska ang P115 milyong halaga ng puting sibuyas at P84 million na halaga ng mga sigarilyo.

Noong Nobyembre nakumpiska ang frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 million.

Matapos ang ginawang pagsusuri nakumirpang maaaring kainin ang mga isda at ipinamahagi sa mga biktima ng bagyong Kristine.

Sa ikalawang border inspection noong Mayo ng hindi lisensyadong cold storage facilities sa Kawit, Cavite nagresulta sa pagkakumpiska ng 99.9 metriko tonelada ng kontrabandong mga karne at iba pang produkto na nagkakahalaga ng P100 million.

Sa Navotas, dalawang cold storage facilities na naglalaman ng P35.9 million halaga ng puting sibuyas, P13.5 million ng carrots, at P44,000 halaga ng mga kamatis at kabute ang nakumpiska.

Nagsampa rin ang DAIE ng 57 reklamo sa korte kaugnay sa mga ginawang operasyon sa Bataan, Bulacan, Batangas, Manila at Navotas.

Sa unang buwan ng 2025, ang DAIE nakakumpiska ng P162.7 million na halaga ng illegal na agri-fishery products mula sa iba’t-ibang entry points.

Sa ginawang inspection ng cold storage facilities sa Caloocan, Navotas at Bulacan sa pagitan ng Enero at Pebrero natuklasan ang ilang mga paglabag, kabilang na ang expired na mga produktong agrikultura at hindi markadong mga kahon.

Nasa kabuuang 33 metriko tonelada ng karne na nagkakahalaga ng P6.45 million ang kinumpiska at sinira habang P152,000 na halaga ng frozen na isda ang nakumpiska sa Batangas City.