Martin

P200 across-the-board dagdag sweldo aprub na sa House panel

8 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Labor and Employment nitong Huwebes ang panukalang batas na nagbibigay ng dagdag na P200 sa arawang sahod para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.

Ang pag-apruba sa panukala ay nangyari matapos ang pakikipagpulong ni House Speaker Martin Romualdez sa mga lider ng iba’t ibang grupong manggagawa kung saan napag-usapan ang umento sa sweldo.

Pinagtibay ng komite, sa pangunguna ni Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, ang mosyon ni Cotabato 3rd District Rep. Ma. Alana Samantha Santos na aprubahan ang substitute bill para sa panukalang “P200 Daily Across-the-Board Wage Increase Act,” na mula sa House Bill nos. 514, 7568, at 7871.

Kung maisasabatas, ang panukalang ito ay mag-aatas sa lahat ng pribadong kumpanya, anuman ang laki o uri ng industriya, na magpatupad ng P200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa.

Martes ng gabi nang makipagpulong si Speaker Romualdez, kasama sina Deputy Speaker at TUCP Party-list Rep. Democrito Raymond Mendoza at Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, sa mga lider manggagawa, kung saan nangako ang mga mambabatas na pabibilisin ang pagtalakay sa panukalang dagdag-sahod, na gagawin ng isinasaalang-alang ang magiging epekto nito sa bansa.

“The House of the People is working tirelessly to craft a wage increase measure that meets the needs of our workers while ensuring that businesses, particularly MSMEs (micro, small, and medium enterprises), are supported during this transition,” ayon kay Speaker Romualdez.

“This is a critical step toward achieving inclusive growth and addressing the immediate challenges faced by Filipino families,” ayon pa sa pinuno ng Kamara na binubuo ng 307 mga kinatawan.

Bukod kina Nograles, Mendoza at Acidre kabilang din sa nagsusulong ng panukala sina Reps. Ramon Jolo B. Revilla III (Cavite, 1st District), Arlene Brosas (Gabriela PL), France Castro (ACT Teachers PL), Raoul Manuel (Kabataan PL), Ron Salo (Kabayan PL), Ramon Guico Jr. (Pangasinan, 5th District), Joseph “Jojo” Lara (Cagayan, 3rd District), Robert Raymund Estrella (Abono PL), Yedda K. Romualdez (Tingog PL), Josefina Tallado (Camarines Norte, 1st District), at Jose Ma. Zubiri (Bukidnon, 3rd District).

“We will work on securing the measure’s approval as instructed by Speaker Romualdez,” saad ni Nograles.

Pinasalamatan naman ni Mendoza si Speaker Romualdez sa kanyang pamumuno sa pagsusulong ng panukala.

“We are very happy with Speaker Romualdez’s commitment to ensuring the measure’s approval,” ayon kay Mendoza.

Ayon sa panukala, kailangang magbigay ang mga employer ng karagdagang P200 kada araw sa sahod ng kanilang mga manggagawa kapag ipinatupad na ang batas.

Nakasaad sa panukalang batas ang pagbabawal sa mga employer na ibawas ang dagdag-sahod mula sa mga naunang adjustment maliban na lamang kung ito ay malinaw na nakasaad sa mga kasunduan sa collective bargaining agreements. Hindi rin maaaring bawasan ang mga kasalukuyang benepisyo at allowance dahil sa pagtaas ng sahod.

Sa pagdinig, inilarawan ni Mendoza na makasaysayan ang pag-apruba ng komite, na aniya’y maaaring maging kauna-unahang legislated wage hike mula pa noong 1989.

“Let’s make history together, and hopefully, after 36 years, this will finally be passed,” ayon kay Mendoza. “We are now closer than ever to passing the first-ever legislated P200 daily across-the-board wage increase under the leadership of Speaker Martin Romualdez.”

Binigyan diin ni Mendoza na ang Pilipinas ay nangangailangan at karapat-dapat sa dagdag-sahod, at tinukoy ang matagal na pagsusumikap ng mga manggagawa para makuha ang makatarungang sahod.

Binanggit niya na noong 1989, itinaas ng Kongreso sa 40% ang minimum wage na hindi nakaapekto sa inflation o kawalan ng trabaho, sa kabila na rin ng umiiral na political instability sa panahong iyon.

“There were two coup d’états in 1989, economic fundamentals were so bad during the time of Cory Aquino. But there was no wave of unemployment, no collapse of businesses,” ayon kay Mendoza.

“For 36 years under the Regional Minimum Wage Board, almost all regional wages have remained below the poverty line. Is it our policy to give poverty wages that cannot provide a decent life for our families?” dagdag pa nito.

Tinatanggap nina Brosas at Castro ang desisyon ng komite, na anila’y isang malaking hakbang sa matagal na laban ng mga manggagawa para sa karampatang dagdag-sahod.

“Para sa ating mga manggagawa, ang bawat dagdag na sahod ay mahalaga upang maitawid ang pangangailangan ng bawat pamilya,” wika ni Brosas.

Dagdag pa niya, “Ang pagpasa ng isang panukalang batas para sa wage increase sa committee level ay isang mahalagang hakbang pasulong. Inani ito ng bawat manggagawa na walang kapagurang ipinaglalaban ang taas-sahod. Hindi na dapat ito patagalin pa at nararapat na gawing prayoridad ng gobyerno.”

Gayunman, sinabi ni Brosas na ang nabanggit na umento ay hindi pa rin sapat.