Calendar
P20M cash incentive ni Carlos Yulo tinatapatan ni PBBM ng P20M
TINAPATAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang P10 milyong reward na isinasaad sa Republic Act (RA) 10699 na nagbibigay ng mga cash incentive para sa mga Pilipinong atleta na makapaguuwi ng gintong medalya sa Olympics.
Dahil dalawang ginto ang nakuha ng gymnast na si Carlos Yulo sa 2024 Paris Olympics, makatatanggap ito ng P20 milyong cash incentives at tinapatan pa ito ni Pangulong Marcos.
Sa kabuuan, nasa P40 milyon ang makukuha ni Yulo.
Aabot naman sa P2 milyon ang makukuha ng mga boksingerong sina Nesthy Petecio at Aira Villegas matapos makasungkit ng bronze medals. Tinatapatan din ito ni Pangulong Marcos.
Sa kabuuan, nasa tig-P4 milyon ang maiuuwi nina Petecio at Villegas.
Tig-P2 milyon naman ang maiuuwi ng 19 atleta na hindi nakapaguwi ng medalya. Sa naturang halaga, P1 milyon ang mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) habang ang P1 milyon ay mula naman sa Office of the President.
Binigyan din ni Pangulong Marcos ng tig P500,000 ang bawat coaching team ng mga 22 Pilipinong atleta na sumabak sa Olympics.
“Pinapasikat ninyo ang Pilipinas sa buong mundo. Alam ko na iniisip ninyo na — ikaw gymnastics, boxing. ‘Di ba sa pole vault — iyan ‘yung iniisip lang ninyo ‘yung event ninyo. Pero ‘yung performance ninyo, may malaking kahulugan iyan, it means a lot. May malaking kahulugan iyan para sa amin dito na nanonood sa inyo, na sumisigaw at nagsusuporta sa inyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“And that’s why it was, for me, I think we should recognize not only the athletes, although they are, of course, deserving of recognition but also all the support group over the years is not — hindi nangyari ito dahil noong last year nag-decide ka mag-sports, matagal-tagal ito. Lalabanan — you go through injury, you go to — ‘yung hindi ka makabiyahe dahil walang pambayad ng pamasahe to go abroad, to go to the international competitions. All of these… and yet you come through,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Hanga si Pangulong Marcos sa mga atletang sumabak sa Olympics.
“And yet you have shown the spirit of the Filipino, the determination of a Filipino, and the excellence of the Filipino spirit. And that’s what you have shown for us today,” pahayag ni Pangulong Marcos.