Nakaw

P213K halagap ng copper wire ninenok sa Ecija, 3 timbog

Bernard Galang Sep 24, 2025
219 Views

CAMP OLIVAS, Pampanga — Tatlong lalaki ang inaresto sa Talavera, Nueva Ecija nitong Lunes matapos mahuling nagnanakaw ng copper wires na nagkakahalaga ng P213,750, ayon sa Police Regional Office 3 (PRO3).

Nahuli ng mga security guard ng RJS Commodities Incorporated sa Barangay Bakal 2 ang mga suspek habang pinuputol ang copper cable wire sa loob ng compound ng kumpanya.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Talavera Police at nahuli ang tatlong suspek, habang dalawa pang kasamahan nila ang nakatakas.

Ang mga naaresto, na may edad 23 hanggang 24 at pawang mga residente ng Barangay Malasin, San Jose City, ay nahulihan ng humigit-kumulang 112.5 metro ng copper wires.

Inihahanda na ang kasong robbery laban sa kanila habang nagpapatuloy ang follow-up operations para sa ikadarakip ng dalawang nakatakas.

Pinuri ni PRO3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ang mabilis na aksyon ng mga pulis at tiniyak ang pagpapatuloy ng mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan sa Gitnang Luzon.

“Hindi natin papayagan ang mga kriminal na gambalain ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga komunidad. Hinihikayat ko ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya,” ani Peñones.

Tiniyak ng pulisya na ang kanilang operasyon sa rehiyon ay nakaayon sa 7 Focus Agenda ng Philippine National Police, partikular sa pagpapalakas ng crime prevention at seguridad ng komunidad.