Calendar
P2M shabu nasamsam sa suspek na tulak
AABOT sa P2 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa 54-anyos na lalaki na naaresto sa buy-bust sa Quezon City noong Martes.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Deputy District Director for Administration/Officer-in-Charge P/Col. Randy Glenn Silvio, naaresto bandang alas-2:00 ng madaling araw sa Commonwealth Ave., Brgy. Batasan Hills, Quezon City ang suspek na si alyas Zakaliya.
Sa intel ng Batasan Police Station 6 na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Romil Avenido, dumarayo sa lungsod ang suspek kaya nagkasa sila ng buy-bust sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR).
Sa operasyon, isang pulis ang nagsilbing poseur-buyer at nakabili ng P160,000 halaga ng shabu sa suspek kaya agad itong inaresto.
Nakumpiska sa suspek ang 350 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,380,000, cellphone, sling bag, dalawang brown paper bag, brown wallet na naglalaman ng ilang ID card, P500 cash, Ford Ranger at buy-bust money.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

