Rubio

P3.9M halaga ng high grade marijuana naharang ng BOC

212 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang isang package kung saan itinago ang P3.9 milyong halaga ng kush na isang variety ng marijuana.

Galing umano ang package sa California, USA at dumating sa bansa noong Abril 12. Idineklara umanong “Tevana Green Herbal Tea” ang laman ng package.

Sumailalim ang package sa K9 sniffing at x-ray scanning procedure at doon nadiskubre ang kahina-hinalang bagay na nasa loob ng limang lata.

Nang buksan ay nakita ang 2,378 gramo ng pinatuyong kush. Nakumpirma na marijuana ito sa chemical laboratory analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Isang controlled delivery operation naman ang inilungsad ng BOC-Port of Clark at PDEA sa Sta. Cruz, Manila at dito naaresto ang 27-anyos na lalaki na tumanggap ng package.

Sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na masusi ang ginagawang pagbabantay ng BOC laban sa tangkang pagpuslit ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.

“The BOC ensures that illegal drugs do not enter our borders through our intensified anti-illegal drug measures. Our unprecedented performance in border protection and revenue collection proves that BOC personnel are committed to the directives of President Ferdinand Marcos Jr.,” sabi ni Rubio.