Calendar
P30B shabu nasamsam sa ‘bloodless’ drug campaign ng PBBM admin
Pwedeng pampondo sa kampanya
NAKAKUMPISKA na ng 4.4 tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P30 bilyon ang bloodless anti-drug campaign ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. na umupo noong Hulyo 1, 2022.
Ito ang sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, sa umpisa ng pagdinig ng komite kaugnay ng House Resolution (HR) No. 1346 na akda ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at HR No. 1351 na inihain ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun.
Dumalo sa pagdinig ang mga opisyal at kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA), at Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG).
“I would like to extend my heartfelt felicitations to our law enforcement agencies, the PDEA, NBI, PDEG, and the Bureau of Customs, for a very very fruitful campaign against illegal drugs under the administration of President BBM,” ani Barbers sa kanyang opening statement.
“All your hard work, diligence and perseverance are bearing positive accomplishments. May you continue your dedication to duty and may none of you be tempted to sell this country and our youth to this evil,” dagdag pa nito.
Ayon kay Barbers mula Hulyo 1, 2022, ang unang araw sa puwesto ni Pangulong Marcos Jr. hanggang ngayon ay nakakumpiska na ng halos 4.4 tonelada ng shabu at halos 3 tonelada ng pinatuyong dahon ng marijuana ang mga ahensya ng gobyerno.
Ang nakumpiskang droga na ang street value ay mahigit P30 bilyon ay sapat umano upang pondohan ang kampanya ng mga drug lord sa eleksyon, ayon kay Barbers.
“This amount can most definitely finance the elections and victory of drug lords in our political arena. Kahit po kampanya pang Presidente, kayang pondohan ng warchest na yan,” paliwanag ni Barber.
“Mabuti na nga lamang at marami pa ring matitinong kawani itong ating mga law enforcement units na nagbabantay ng ating kapayapaan. Bagama’t meron pa ring mangilan-ngilan na naliligaw ng landas, wag lang tayo magpapabaya upang sila ay hindi magtagumpay,” dagdag pa nito.
Malaking bahagi ng 4.4 tonelada ay nakumpiska lamang kamakailan: 200 kilo sa Mabalacat, Pampanga noong Agosto 25; 560 kilo mula sa Subic port na isinailalim sa controlled delivery sa Mexico, Pampanga noong Setyembre 24; at 323 kilo noong Oktobre 4 na nakuha sa MICP sa Maynila.
“Sa loob lamang ng limang linggo, naka-1.3 tonelada na po ang nahuhuli. Isa’t kalahating taon pa lamang ng administrasyong BBM po yan,” sabi ni Barbers.
“Kaya po magtulungan tayo. We will adapt a whole nation approach on this problem. We will help our agencies kung ano ang kailangan pa, basta pangako nyo samin that you will remain steadfast in the performance of your mandate,” dagdag pa nito.
Nagpahayag ng pagkabahala si Gonzales sa pagkakumpiska sa mga droga sa kanyang lalawigan.
“Nakakalungkot at nakakaalarma na ang dating tahimik na bayan ng Mexico at siyudad ng Mabalacat ay nabahiran ng ganitong klaseng kontrobersiya. For the information of all, the municipality of Mexico, which is under my jurisdiction, is a booming economy in Central Luzon,” sabi ni Gonzales.
“The good people of Mexico worked hard to achieve where they are now. And I will not let these incidents hinder future investments and other economic opportunities. We will get to the bottom of this problem and all people involved will have their day in court,” dagdag pa nito.
Nangako sina Barbers at Gonzales na tutukuyin ang mga personalidad na nasa likod ng pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
“We will thresh out the whys and hows our country continues to be the favorite destination of illegal drugs and who are the big personalities or even bigger entities behind these shipments to flood us with these contrabands with fictitious and non-existent consignees,” sabi ni Barbers.
Sabi naman ni Gonzales, “We will dig deeper and uncover the mystery behind this smuggling because I believe that there are personalities who knowingly facilitated this shipment. Maparaan at talagang wala ng takot ang mga smugglers na sumisira sa ating bansa.”