Santiago Iniharap ni NBI Director Jaime Santiago ang mga naarestong suspek at ang nasabat na mga vape products na nagkakahalaga ng mahigit P30 million sa Laguna. Kuha ni JONJON C. REYES

P30M illegal vape products nasamsam ng NBI sa 3 suspek

Jon-jon Reyes Jul 8, 2025
257 Views

ALINSUNOD sa utos ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na paigtingin ang operasyon laban sa mga hindi rehistradong vape products, nasabat ng NBI-Special Task Force (NBI-STF) ang nasa P30 milyon na halaga ng vape products sa Biñan City, Laguna noong Lunes.

Ang operasyon nagresulta rin sa pagkakaaresto kina alyas Kert Lester, Javer Dirampatun at Romeo Cada Obefias.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 4(d) at 18 ng Republic Act No. 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act), at Section 8 ng R.A. No. 11900 kaugnay ng RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang tatlo.

Nag-ugat ang operasyon sa cybercrime monitoring at surveillance efforts na isinagawa ng mga ahente ng NBI-STF sa iba’t-ibang social media platforms.

Sa pamamagitan ng paggamit ng Open-Source Intelligence (OSINT) at Human Intelligence (HUMINT), natukoy nila ang indibidwal na responsable sa mga ipinagbabawal na aktibidad.

Nagsagawa ng surveillance at test-buy ang mga ahente ng NBI-STF sa Hype VapeShop sa Bacoor Boulevard, corner NIA Road, Bacoor, Cavite sa pamamagitan ng online transaction at nakipagtransaksyon sa suspek.

Nakumpirma na ang establisyimento ay sangkot sa ipinagbabawal na kalakalan ng mga hindi rehistradong produkto ng vape nang walang kinakailangang BIR tax stamps at DTI registration..

Napagkasunduan ng undercover agent at ng suspek na magkita sa isang coffee shop sa Muntinlupa City para sa paghahatid ng mga hindi rehistradong produkto ng vape.

Noong Hulyo 7, napagkasunduan ng mga NBI agents at ilang DTI agents na tagpuin ang mga suspek.

Pinangunahan ng tatlong suspek ang mga undercover agent sa storage facility na matatagpuan sa isang residential area sa Rose Village, Sta. Rosa, Laguna.

Pagdating sa lugar, ipinakita ng suspek ang mga vape products na binubuo ng 40,500 piraso ng vape products na nagkakahalaga ng P31,995,000 at 3,880 na piraso ng vape pods na nagkakahalaga ng P640,200.